Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
BUONG tapang na inamin ni Herlene Budol na sumailalim siya sa mga therapy sessions sa isang psychiatrist bunga ng matinding trauma na dinanas niya dahil sa kontrobersiyang nag-ugnay sa kanila ng Magandang Dilag (2023 series ng GMA) co-star niyang si Rob Gomez.
Pinagpiyestahan noon sa social media ang kanilang mga pribadong usapan kaya umani si Herlene ng pamba-bash at panlalait mula sa mga netizen.
“Nagpadoktor po ako para, I mean po, ma-process po siya nang maayos sa akin kung bakit may mga ganung klase ng tao na talagang hihilahin ka pababa kapag alam nilang itinataas ka ng Panginoon.
“Nagpa-help po ako sa doktor para matanggap ko yung mga sinasabi sa akin ng mga tao.
“Kasi, para ma-overcome ko po lahat. Mabigat po e, na paratang sa akin.
“Kaya parang hindi ko po siya kaya, mahirap po yung naging sitwasyon ko nun at mahirap po mag-move on sa ganung sitwasyon na alam ng Panginoon kung ano yung tama at mali,” rebelasyon ni Herlene.
Ngayon ba ay naka-move on na siya sa masakit na karanasang iyon?
“Ang tanong, naka-move on na ba ang mga tao”, diretsong reaksyon niya.
Bida si Herlene sa Binibining Marikit sa Afternoon Prime ng GMA na eere na sa February 10.
Dalawang guwapo ang leading men niya rito, sina Tony Labrusca at Kevin Dasom na parehong unang beses gagawa ng serye sa GMA.
Hindi kaya tulad kay Rob ay ma-link din siya kina Tony at Kevin na pag-aagawan siya sa serye?
“Wala na pong kainan na magaganap,” pasabog na bulalas ni Herlene sa tanong namin.
“Kasi po, parang yun naman ang pinupunto natin dito, bakit hindi pa natin sabihin!
“Kasi hindi mo talaga maiwasan na ma-in love talaga sa ka-partner. Kaya ayoko pong magsalita nang tapos.
“Pero ayoko din pong maulit yung trauma na ibinigay sa akin nung last na co-actor ko, na parang ang bigat na hindi ako naipagtanggol, na walang boses na nagsalita.
“Pero dito po sa Binibining Marikit, nakikita ko naman po sa kanilang dalawa na with or without issue ay ipagtatanggol nila ako, dahil sobrang gentleman po ng dalawang tao na ito, at sobrang blessed po ako dahil sila po yung ka-partner ko.”
Nanay ni Herlene sa Binibining Marikit si Pokwang at tatay naman niya si Cris Villanueva.
Nasa serye rin sina Thea Tolentino, Almira Muhlach, Ashley Rivera, Jeff Moses, Migs Almendras, at John Feir.
Mula ito sa direksiyon ni Jorron Lee Monroy.