Advertisers

Advertisers

PINAS PINAKAKULELAT SA BILIS NG INTERNET CONNECTIONS

0 20

Advertisers

MAY nagtanong: Kailan naman daw kaya uupakan o babanatan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Smart, Globe, Converge, Dito at iba pang Telecommunications sa mabagal na internet speed at interconnection na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers nila?

Kungdi aayusin ng telcos ang internet speed at interconnection ay bawiin ang prangkisa nila, at gobyerno na ang magpapatakbo sa operasyon nila?

Hanggang ngayon dear readers ay magagandang praise releases lamang ang improvement na naibigay ng dalawang giant telecom companies atbp, at walang naging pagbabago.



Dapat nang kastiguhin ni PBBM ang telecom companies partikular ang Smart at Globe.

Bukod sana pagkastigo kung gagawin man ni PBBM, dapat ay patawan ng mabigat na multa ang PLDT-Smart at Globe na hanggang ngayon ay nagkakamal ng bilyon-bilyong piso sa kabila ng super kupad, palpak na serbisyong internet speeds sa bansa.

Nakahihiya ang Pilipinas sa mundo na tayo ay isa sa pinakakulelat sa bilis ng internet connections.

Ang mabilis na koneksiyon ay kabilang na sa ating karapatang pantao, ngayon na tayo ay nasa mundo ng mabilis na paggalaw ng teknolohiya ng komunikasyon.

Kunektado ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.



Mahalagang gamit ito sa pagkuha ng mahahalagang impormasyon, kaalaman at sa negosyo, ‘wag nang idagdag pa ang halaga nito sa talastasan, edukasyon, siyensiya, kalusugan, at iba pang mahalagang porma sa kilos, pagsasalita, sa pagtuklas ngayon sa makabagong mundo ng teknolohiya.
***
Dapat na kastiguhin na rin ni PBBM National Telecommunications Commission (NTC) sa napakalaking kasalanan nito kaya superbagal ang internet connections natin.

Hindi nito kinakastigo at inoobliga ang Globe at Smart at iba pa na paghusayin at makapantay tayo sa internet speeds ng ating mga kalapit bansa sa Asia.

Kaya dapat bukod sa pagkastigo sa NTC ay utusan na rin ngayon na ni PBBM ito na magtakda ng mandatory speed targets sa mga internet service providers bawat taon, at kung hindi ito magawa, ay patawan ng malaking multa kada araw.
***
Malaki ang maitutulong sa pagbangon ng ekonomya kung mahusay ang serbisyo ng ating mga telcos kung saan nasa mahigit na 77 milyon ang internet users sa Pilipinas.

Kung sakaling upakan ni PBBM o bantaan at kastiguhin ang mga telcos partikular ang two giants, Smart at Globe, nais nating malaman ay kung ano ang gagawin ng gobyerno sakaling hindi makatupad ang mga telecommunications companies na maging hagibis sa tulin ang internet connections na palagi nilang ipinapangako.

Nakadepende sa husay at pagsabay natin sa digital world ang buhay at kamatayan ng ating bansa lalo na ngayong lugmok na tayo sa utang, maraming negosyo at industriya ang bagsak, at mayorya ng ating kababayan ay walang maayos na hanapbuhay na idinulot ng mga nakaraang krisis.
***
Uulit-ulitin ng inyong abang lingkod, kailangan ng suporta at tulong ng lahat ni Customs Commissioner (BoC) Bienvenido Rubio para masawata, masugpo at magupo ang sindikato ng ismagling sa Aduana.

Hindi kakayanin ni Rubio kung mag-isa lamang siyang kumikilos, tiyak mahihirapan siyang masugpo ang ismagling na siyang dahilan ng malaking kawalan sa kabangbayan.

Totoo kasing nananatiling malakas ang ismagling sa bansa sa kabila ng maraming mahihigpit na batas na nagpaparusa sa mga ismagler.

Multi-bilyong piso ang nawawala sa krimeng ito na kung makokolekta, hindi na kailangan pa ang umutang at magpalimos ang bansa natin sa pagbili ng mga modernong gamit at pampalakas ng ating puwersa militar, ngayon na tayo ay nahaharap sa tunay na kalaban: Ang hindi mapigil na pagtatangka ng China na agawin sa atin ang iba pang mga pulo ng dagat sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang mayayamang mina sa ating karagatan.

Magagawa sana nating mapaunlad ang kabuhayan natin, mas mapatataas ang kalidad ng edukasyon, mas maraming hanapbuhay ang malilikha, anupa at malaking ambag ang bilyon-bilyong na sana ay malilikom kung wala ang ismagling.
***
Ano nga ba ang solusyon para masugpo ang ismagling?

Sagot: Katapatan sa tungkulin, mahusay na pagsunod sa batas, tibay ng dibdib laban sa tukso ng madaling pagkakamal ng salapi sa “baluktot na paraan.”

Tanong ulit: Mayroon ba tayo ng mga ganitong opisyal at kawani ng BoC?

Ang sagot: napakarami nila, pawang matatapat, pawang matitino at nais na tunay na makapagserbisyo nang matapat sa bansa.

Kaya kailangan na kailangan ang pakikiisa ng lahat para tuluyan nang masugpo ang ismagling sa bansa.

Matuto tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa pagbabago.

Ngayon na ang panahon para simulan ang pagbabago at tuluyan nang patayin at wakasan ang halimaw na ismagling.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com