Advertisers
PARA sa Highway Patrol Group (HPG) dapat nang magkaroon ng ‘total ban’ sa pangangarera ng mga motorista diyan sa Marilaque Highway. Literal na nagmomotor ang tinutukoy natin dito ha.
Sa katunayan nais ng HPG na ang huling insidente, na kumitil sa isang motorista ay magsilbi na sana ring aral, sa lahat ng nag-babalak pang magkarerahan at magpakitang gilas sa pagmomotor sa nasabing highway.
Kaya naman, ang HPG, Provincial Advisory Group Rizal ay iminungkahi na rin sa Land Transportation Office (LTO) ang permanenteng pagbabawal sa survivor na si Rico Buyawan na mabigyan ng lisensiya sa pagmamaneho matapos ang trahedya na ikinamatay ni John Louie Arguelles.
Ayon sa grupo, magsisilbi itong babala sa ibang mga pabayang driver na naglalagay sa panganib ng buhay ng iba sa pampublikong lansangan lalo pa at isang pribilehiyo lamang ang pagmamaneho at hindi karapatan.
Marami na anilang aksidenteng nangyari sa Marilaque dahil sa kakulangan sa pagpapatupad ng batas, imprastraktura, at sistematikong mga hakbang pangkaligtasan.
Mungkahi ng grupo na maglagay ng permanenteng Outposts at Checkpoints sa Palo Alto, Manukan, at Devil’s Corner; dagdag na tauhan ng HPG sa Marilaque, patrol vehicles, at speed monitoring equipment upang mas epektibong mapatupad ang batas sa kalsada; pakikilahok ng LGU hindi lamang sa turismo kundi sa ordinansa, parusa, at pagpapatayo ng emergency infrastructure sa mga lansangan at ang paglalagay ng Traffic Discipline Zone sa Marilaque kung saan may speed limits, regular na enforcement operations, mandatory safety briefings para sa group rides, at roadside CCTV monitoring.
Bilang bahagi ng kanilang panawagan, lumagda ang mga opisyal at miyembro ng HPG-PAG Rizal sa isang pormal na pahayag na nagpapahayag ng kanilang buong suporta sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas, mas matibay na mga hakbang sa kaligtasan, at ang kanilang paninindigan na gawing isang ligtas at responsableng riding destination ang Marilaque.