Advertisers

Advertisers

Yorme Isko sure na ang pagbabalik sa cityhall

0 25

Advertisers

Sabik na sabik na ang mga Batang Maynila sa pagbabalik ni Yorme Isko Moreno kaya kinakabahan na si Mayora Honey Lacuna na hindi na siya makababalik sa Manila City Hall come 2025 midterm elections.

Uulitin ko dear readers, dahil sa mga ginawa at iniwan na pamana ni Yorme Isko na siya pa alkalde noong 2019-2022 — na hindi nagawa, hindi naipagpatuloy ni Ate Honey ang Manilenyo ay sumisigaw: Bumalik ka na Yorme!

Una, maayos na infrastructure legacy ni Yorme sa lungsod na ikinamangha maging ng ibang alkalde sa Metro Manila at ibang probinsiya.



In less than three years, naitala ang 20 mala-higanteng proyekto sa siyudad na hindi pa mapapantayan ng sinomang naging alkalde ng Maynila, at ito ay sa panahon pang maraming balakid, kalamidad at ang mapaminsalang COVID-19 pandemic.

Noon, naging very busy si Isko sa mga pagawain sa lungsod nang umpisahan na ipagawa ang mga nagtataasang gusali, mga infra projects na hindi aakalaing magagawa, maitatayo sa loob ng kulang tatlong taon.

Monumentong hindi matitibag — na ikinaiinggit ng mga kalaban ni Isko sa politika — ay ang 10-palapag na Bagong Ospital ng Maynila, na may helipad pa para sa mabilis na paglipad at paglapag ng chopper na magdadala ng mabilis na paggamot sa pasyente.

Mala-Makati Medical Center ang Bagong Ospital ng Maynila na pinondohan ng P2.3 billion na pinakikinabangan ng mamamayang Manilenyo.

May ganito bang proyekto si Mayora Honey at VM Yul Servo, wala, wala!



At ang maraming modernong paaralan sa lungsod, mga katulad na pabahay sa mahihirap, ang 15-20 palapag na Tondominium 1 & 2 sa Vitas, Tondo na dati ay squatter area at katayan ng mga hayop sa Maynila.

Sa condo na ito sa Vitas na may swimming pool na, may fitness center pa, palaruan, saan ka pa?

Ang mga dugyot ay nagtatamasa ng maalwang buhay gawa ng mga modernong pasilidad na wala sa ibang bayan at siyudad sa bansa.

At di lang yun, masugid kong mga tagasubaybay, air-conditioned ang mga classroom sa ipinatayong eskuwelahan, may basketball court, may gym at may roof deck na kaysarap doon na mag-relaz ang mga estudyante at mga titser at mga bisita.

Ilan lang yan sa mala-higanteng proyekto na pinamana Yorme Isko sa Maynila na tumatak sa isipan ng mga Batang Maynila kaya sobrang inggit ng kampo ni Mayora Honey dahil ang lahat ng iyon ay tatak Isko Moreno.

Partida pa nga, panahon ng pandemya ginawa ang mga proyektong ito, sa panahong halos tumigil na ang ikot ng mundo ng Manilenyo, pero sa panahon ni Yorme Isko, anong COVID-COVID, kailangan ay trabaho, hanapbuhay at kailangan anoman ang problema, dapat ay umiikot ang gulong ng progreso sa Manilenyo.

Sa mga unang araw ni Yorme sa cityhall, inayos niya ang magulo, mabahong Liwasang Bonifacio; ang Carriedo, ang Divisoria at ang mga problema ng vendors at negosyante, nirapido niyang inayos, pati ang trapiko at pinarusahan ang mga kotongero!

Ang matandang Manila Zoo ay moderno na parang Zoo sa Singapore; di lang natin alam ngayon kung malinis pa rin ang pinagandang Lagusnilad Underpass at nadagdagan ba ng Lacuna administration ang mahigit sa 200 townhouses na itinayo para sa mga biktima ng sunog noon sa Tundo?

Ang dating maruming park sa Hidden Garden sa Liwasang Bonifacio at sa Arroceros Park na inayos ni Yorme noong 2021, balita ay napabayaan na rin?

Dinadayo pa ba ng mga lokal at dayuhang turista ang mga parkeng ito na pinaganda ni Yorme?

At ang mga kanal na tambakan ng dumi at basura, at mga barong-barong sa gilid ng Ilog Pasig at kahabaan ng estero na tumutuloy sa Manila Bay, patuloy pa bang nababantayan at nalilinis tulad noong si Yorme ang nasa cityhall.

Balik daw sa dating mabahong simoy na dala ng iba-ibang uri ng basura, dumi at toxic ang mga lugar na nabanggit.

***

Salamat kay Yorme Isko na sa kabila ng banta sa buhay ng pandemyang CIVID-19, naging tuloy-tuloy ang sariling ‘Build, Build Project’ ni Yorme at ang COVID-19 Manila Field Hospital na ipinatayo sa loob lamang ng 52 na araw, ito ay maitatala sa kasaysayan ng Manila at ng Pilipinas.

Dahil sa ospital na ito, libo-libong pasyenteng may Covid sa labas ng Maynila ay dito ginamot at gumaling, at ang mga gamot kontra pandemya, walang pinagkaitan, kahit hindi taga-Maynila, simpleng request lamang ng doktor at pasyente, nabibigyan ng gamot pandugtong ng buhay.

Mga nakamamanghang mga naipatayong pabahay tulad sa San Sebastian, San Lazaro, at Pedro Gil vertical housing, bukod pa sa Tondominiums, Binondominium, and Manila Zoo renovation.

Nagpatayo pa si Yorme ng bagong medical school building ng Pamantasan Lungsod ng Maynila at maraming iba pang infra projects.

May tanong paano pinondohan ni Mayor Isko ang mga dambuhahalang proyektong ito — na pinakikinabangan ng Manilenyo?

Bukod sa bilyong pera ng siyudad, umutang ang Maynila sa Development Bank of the Philippines (DBP) na ayon sa Commission on Audit (COA), maayos itong nababayaran bunga ng maayos na koleksiyon ng buwis sa panahon ni Moreno.

Ngayon kaya, nakababayad ba ang cityhall sa mga proyektong ito, tanging si Mayora Honey at ang COA ang makasasagot.

Basta, ayon sa rekord noong panahon ni Yorme, lumaki ang koleksiyon ng siyudad sa P19.2 billion sa loob lamang ng isang taon mula Hulyo 1, 2020, hanggang Hunyo 30, 2021.

Malaking investment ang mga proyektong ito sa panahon ni Yorme at hindi masasabing “kalugihan” tulad ng ikinakalat ng kanyang mga kalaban.

Sa mga ito lamang na kamangha-manghang achievement ni Yorme Isko, sapat na sapat nang dahilan upang bumalik si Yorme Isko sa cityhall.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.