Advertisers
HINDI pa man tuluyang nalilimot ang iskandalong nilikha ng kolek-tong activity ng isang alyas Sgt. Valera ay may tatlong “kapustahan” (police tong kolektor) na naman ang sumisira sa magandang imahe sa lalawigan nina Quezon Governor Angelina “Helen” Tan at PNP Provincial Director Col. Ruben Lacuesta.
Naging kontrobersyal ang pangalan ng isang alyas Sgt. Valera may ilang buwan pa lamang ang nakaraan ng mistulang “singaw” na sumulpot ito kasunod ng pagluklok sa pwesto ni Col. Lacuesta bilang pinakamataas na pinuno ng kapulisan sa naturang lalawigan.
Pinalitan ni Col Lacuesta bilang PNP Director sa Quezon si Col. Ledon Monte na mahigit din sa dalawang taon na buong husay na naglingkod sa lalawigan at ayon mismo kay Gov. Tan ay nahigitan pa nito ang serbisyong inaasahan ng mga mamamayan para sa isang tulad niyang pinuno ng kapulisan.
Sa kanyang pagtanggap sa iniatang na mandato ay pinasalamatan naman ni Col. Lacuesta sina PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas at ang doktorang gobernador.
Sinabi din ni Col. Lacuesta na ang pagiging isang full-pledged provincial director ng lalawigan ay isa sa kanyang pinapangarap noon pa mang 2022.
Hiniling nito ang pakikipagtulungan ng kanyang mga police chief, unit heads at mga tauhan na magkapit-bisig sa pagpapanatli ng kaayusan, kapayapaan, kasaganaan at gawing insurgency-free province ang Quezon.
Ngunit noon ding buwan ng October 2024, ilang araw pa lamang na nakakaupo bilang Quezon PD si Col. Lacuesta ay isang alyas Sgt. Valera ang nagsimulang umikot sa mga siyudad at munisipalidad sa naturang lalawigan, kinausap ang mga ilegalistang STL bookies, pergalan (peryahan na pulos sugalan) operator at maging mga magkakahoy o illegal logger, iba pang nagpapatakbo ng ilegal na kitaan pati na ang mga sangkot sa kalakalan ng droga.
Pinaniwala ni alyas Sgt. Varela na isa itong “kapatid” at sugo ng tanggapan nina Col. Lacuesta at Gov. Tan, upang “ilagay sa ayos” ang mga kailegalan sa nabanggit na lalawigan kapalit naman ng libo-libong payola o weekly intelhencia.
Naging mabilis naman ang hakbang ng butihing colonel at nasugpo at napalayas sa Quezon si alyas Sgt. Valera.
Gayunman panibagong eskandalo na naman ang likha ng mga personalidad na tinataguriang “tatlong bugok” na kinilala ng ating mga KASIKRETA na sina alyas Sgt. Jammy, Sgt. Anos at Sgt. Sebastang.
Ang tatlo ay pawang nagpapakilala din miyembro ng mga “kapatid” na sugo din ng tanggapan ng kanilang “kapatid” din na si Col. Lacuesta. Ang tatlo ay pumupustura ding kolek-tong hindi lamang ng Quezon PNP, Provincial Governor, Region 4A Police Office kundi hanggang Camp Crame Police headquarter.
Lahat na operator ng STL bookies tulad nina Pando ng mga bayan ng Catanauan at Sariaya, alyas Kap Nelson ng Sariaya, Tiaong, San Antonio pawang sa Quezon at San Juan, Batangas; Rayman ng Tagkawayan; Isla ng Gen. Nakar; Banong ng Dolores at Tiaong; Boss Ejay ng Sariaya at Tiaong at ng may sampung iba pang bokkies maintainner sa Lucena City. Kasama sa mga may lingguhang payola sa “tatlong bugok” at mga pergalan maintainer tulad nina Otso, Mely, Toto, Penny, Mariz, Rommel, Josie, Francia, EZ at maraming iba pa.
Kinokotongan din ng “tatlong bugok” ang mga illegal quarry at mining operators pati na ang mga magkakahoy na kilala ding illegal loggers ng malalaking troso at maging ng mga puno ng niyog na ginagawang coco lumber at walang habas na pinuputol sa mga lugar ng Bondoc Peninsula.
Sa mga kabalbalang pinaggagawa nina alyas Sgt. Jammy, Sgt. Anos at Sgt. Sebastang ang nasisi naman ay sina Gov. Tan at Col. Lacuesta?
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144