Advertisers
HINDI natin dapat kamuhian ang buong organisasyon ng Philippine National Police (PNP) nang dahil lamang sa isang praning na Corporal Junel Nuezca.
Totoo na maraming katulad ng ‘di katanggap-tanggap na pag-uugali ni Nuezca sa PNP, pero may mga matitino at mababait pa naman.
Oo! Sa amin lamang barangay sa Tondo, sa sampung pulis na kapitbahay ko, wala kaming problema sa kanila. Lahat sila mababait. Pagdating sa barangay mula sa duty, nakatambay lang sila sa labas ng kanilang bahay, nakikipagkuwentuhan sa mga kapitbahay, sa mga tambay, at umaalalay sa mga nangangailangan ng tulong.
Maging sa aming probinsiya, sa Tablas island, lalawigan ng Romblon, ang mga pulis sa munisipyo ay magagalang, masisipag, walang abusado.
Kaya magtiwala parin tayo sa PNP. Higit kalahati parin naman siguro sa kanilang bilang ang matino, ginagampanan ng maayos ang sinumpaang tungkulin sa ilalim ng ating Saligang Batas.
Sa kaso ni Nuezca na maraming beses na palang naharap sa mga kasong kriminal at administratibo, dapat noon palang nang makasuhan siya ng dalawang sunod na Homicide noong 2019 ay sinibak na ito sa serbisyo. Nang tumanggi siyang sumailalim sa drug test noong 2014 ay hindi lang dapat suspension ang iginawad sa kanya kundi mandatory drug test. Dahil mukhang may problema na sa pag-iisip ang Nuezca na ito eh. Nalason na yata ng droga ang utak nito o sadyang hambog lang talaga?
Sa nangyaring ito, dapat ang mga pulis ay isailalim na sa mandatory psyciatric test at drug test kada dalawang taon para ma-tiyak na laging nasa tamang pag-iisip ang mga ito para safe ang mamamayan sa kanila. Mismo!
***
Maging si Pangulong Rody Duterte na kilalang barumbado ay napahiya sa ginawa ni Nuezca. Napamura ito: “Putang ina! Nang mapanood ko ang video… natulala ako. Walang kakuwenta-kuwenta. Double murder. Walang piyansa. Huwag nang pakawalan ‘yan!”
***
Katakot-takot na batikos naman ang inabot ni Chief PNP, General Debold Sinas, nang sabihin niyang hindi dapat kimukunan ng video o larawan ang krimen at ipino-post sa social media.
Sabi ng netizens, kung hindi nakunan ng video o larawan ang pamamaril ng buang na si Corporal Nuezca ay malamang na baliktarin ang pangyayari. Sasabihing nanlaban, inaagaw ang armas ni Nuezca kaya nabaril ang mag-ina, at baka nataniman pa ng shabu at deadly weapons ang bangkay ng mga biktima.
Kaya biglang bawi si Sinas. Aniya, ang ibig niya lamang sabihin ay delikadong kunan ng larawan o video ang pamamaril at pag-post nito sa social media dahil baka siya (ang kumukuha ng video) ay mabaril din o ma-tamper ang litrato. Dapat daw ay sa kanila (PNP) lamang ipinakita ang video para ebidensiya.
Pero binanatan uli si Sinas ng netizens. Puros lang daw ito palusot! Hehehe…
Dalawa pang pulis, isa hepe ng Bato Municipal Police Station sa Catanduanes na si Capt. Ariel Buraga, ang nagtanggol kay Nuezca. Naalarma ang mayor ng Bato at kaagad niyang pinalalayas ito sa kanilang bayan.
Ang isa naman policewoman, MJ Delfin. Aniya: “Malamang ganun din gawin ko (barilin sa ulo ang mag-ina). Tao lang ako. Babuyin mo na ako, ‘wag mo lang sigawan ang anak ko.”
Pinulbos din ito ng netizens. Kaya agad niyang tinanggal ang kanyang post. Hehehe
Anyway, uulitin natin… mga pare’t mare, ‘wag nating lahatin ang pulisya. Ilan lang sa members nila ang bulok. At itong mga bulok ang dapat alisin, bulukin sa bilangguan tulad ni Nuezca.
Oo nga pala… wala muna kaming isyu mula Dec. 25 hanggang Dec. 26, sa Linggo na ang balik namin. Merry Christmas!!!