Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
PINAKA-tumatak kay Maris Racal habang ginagawa ang Isa Pang Bahaghari ay ang pagka-starstruck niya sa Superstar na si Nora Aunor!
“Ako po sa maikling experience ko po dun sa movie, ang pinaka-tumatak po sa akin ay yung pagka-starstruck ko kay Ms. Nora Aunor!
“Yung naglalakad pa lang siya, yung heart ko, ‘My God! Ito yung palaging ikinukuwento ni mama, ito yung artistang sobrang idol niya!
“Tapos sinabi ko rin po sa kanya na sobrang idol siya ng mom ko,” kuwento pa ni Maris tungkol sa ina niyang solid Noranian.
Habang lumalaki raw siya, since idolo ng mother niya ang Superstar ay naging idolo na rin ni Maris si ate Guy.
Hindi pa raw na-meet nang personal ng ina ni Maris ang Superstar dahil taga-Cebu ito.
“Kaya never siya nakapunta sa kung anumang ganap ni Ms. Nora dati.”
Labis na ikinaligaya raw ng ina niya na si Maris ang gumanap na batang Nora Aunor sa Isa Pang Bahaghari na entry sa Metro Manila Film Festival 2020 ngayong Pasko ng Heaven’s Best Entertainment ni Harlene Bautista.
“Nire-rave niya talaga yung movie, parang hina-hype niya talaga ako, alam mo yung proud Mama, stage mom, sinasabi niya sa mga friends niya na, ‘Young Nora Aunor yung anak ko so panoorin ninyo ang pelikula!’
“Ganun siya, nakakatuwa, nakakatuwa talaga,” kuwento pa ni Maris.
Hindi man nakaeksena ni Maris sa pelikula si ate Guy (dahil nga siya ang batang Nora Aunor), nagkita naman sila sa set during the shooting at nakakuwentuhan niya kahit sandali ang Superstar.
Si Sanya Lopez naman na nasa Isa Pang Bahaghari rin, ang pakikipagkuwentuhan din niya sa nag-iisang Superstar ang hindi niya makalilimutan.
“Sinabi niya po talaga sa akin na bagay ako na maging Super Gee, iyon po, pinaka-tumatak talaga sa akin,” nakangiting kuwento ni Sanya.
Si Super Gee ang superhero sa pelikulang pinagbidahan ni Ate Guy noong 1973.
“Sinearch ko pa, sabi ko, ano po yung Super Gee? Nahihiya ako,” at tumawa si Sanya.
“Kasi hindi ko alam ang Super Gee, superhero pala siya dun. Tapos iyon natuwa siya, na sana daw, hopefully kapag ginawa ulit iyon sana ako naman.
“Sana nga po,” bulalas ni Sanya.
Para naman kay Joseph Marco, hindi niya makalilimutan ang Isa Pang Bahaghari dahil nakatrabaho niya ang isang Nora Aunor sa isang magandang proyekto, pati na rin siyempre sina Phillip Salvador at Michael de Mesa at ang kanilang direktor, ang batikang si Joel Lamangan!
“I’m very excited for everybody to see the movie,” sinabi pa ni Joseph.
Ganito rin halos ang saloobin ni Zanjoe Marudo, na bihira ang napakagandang pagkakataon na makasama sa isang pelikula sina Nora, Phillip, Michael at direk Joel.
Mapapanood simula sa December 25 ang Isa Pang Bahaghari online, sa buong mundo sa pamamagitan ng upstream.ph.
Dahi sa COVID-19 pandemic, tulad ng alam nating lahat ay hindi ipalalabas sa regular na sinehan ang MMFF entries, pero maituturing na advantage ito dahil simula sa araw ng Pasko ay mapapanood worldwide ang mga pelikulang kalahok, tulad nga ng Isa Pang Bahaghari, sa MMFF 2020.