Advertisers

Advertisers

Jos Garcia nagbabalik sa awiting ‘Nagpapanggap’

0 582

Advertisers

Ni BLESSIE CIRERA

MULING nagbabalik sa local music scene ang mahusay at magandang singer na si Jos Garcia sa pamamagitan ng bagong awitin nito na pinamagatang ‘Nagpapanggap’ na nilikha ng beteranong singer-composer na si Rey Valera para sa Viva Records.

Si Jos na isa ring sikat na performer sa Japan, ay sobrang happy at proud na makatrabaho ang Hitmaker na si Rey sa bago niyang kanta.



Inaasahan ng Japan-based singer na maiibigan ng kanyang fans ang ‘Nagpapanggap’ matapos tangkilikin din ng mga ito ang ‘Ikaw Ang Iibigin Ko’ na mula sa kanyang ‘Versatile’ album na inilabas noong 2006 na hanggang ngayon ay pinatutugtog pa rin sa ilang radio stations.

“Una kong nakilala ang Icon na si Tito Rey  noong 2018. Naging good friends kami at pinayagan pa niya kong gamitin ang ilan sa mga komposisyon niya para magamit ko sa aking pagbabalik sa Philippine music scene.

“Sobrang nagpapasalamat ako kay Tito Rey sa paniniwala sa aking talento. Sa kabila ng kanyang busy na schedule, may time pa rin siyang makipagkita sa akin everytime na narito ako sa bansa,” dagdag pa ni Jos.

Ang ‘Nagpapanggap’  na kinompos ni Rey at pinrodyus ni Civ Fontanilla, ay tungkol sa pagkukunwari  at pagtanggap na hindi ka mahal ng taong minamahal mo.

“Ang nasabing kanta ay may pagka-mature. Mapapansin ng listeners ang bagong style ng pagkanta ko, seductive at  ibang-iba sa pagkanta ko ng ibang songs,” sey pa ng singer.



Si Jos sa ibang hindi pa nakakaalam, ay taga-Antipolo City at mula sa angkan ng mga musikero.

Tsika ni Jos, ngayon pa lang daw ay excited na siya sa 2021 dahil mas marami pa siyang  ilalabas na mga bagong awitin.

“May mga kanta pa akong ire-release sa 2021. Katunayan, nag-submit na ako ng song na ako mismo ang nagkompos na alay ko sa aking namayapang ina.

“Nakagawa rin ako ng isang Japanese song na ire-record ko rin. Naipasa ko na pareho ang dalawang ito sa Viva Records na maglalabas at magdi-distribute ng mga kantang ito,” anya pa.

Kasabay nito, taos-puso ang pasasalamat ni Jos kay Mr. Tony Ocampo na presidente ng Viva Records.

“Napaka-respetado at accommodating niya. Thank you for giving me the opportunity to release my single under Viva Records.”

Nagpahatid din ng pasasalamat si Jos kina Civ Fontanilla na Artist & Repertoire Manager ng Viva Records, Joy Cancio na choreographer/manager ng SexBomb at muli, kay Mr. Rey Valera.

Maari n’yong sundan ang mga kaganapan kay Jos at marinig ang mga awitin niya sa kanyang social media accounts: http://www.josgarciaworldofmusic.com; www.facebook.com/josgarciafanpage at sa instagram.com/josgarciaofficial.