Halos 6K na pamilya natulungan ng’Tulong Para sa Naulila’ program ni Mayor Honey
Advertisers
SIMULA nang maupo si Mayor Honey Lacuna bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa ay umabot na sa 5,900 pamilya ang nabigyan ng tinatawag na monetary death benefits.
Sa ilalim ng kanyang administration’s program na ‘Tulong Para sa Naulila,’ sinabi ni Lacuna na ang city government ay nakapagbigay ng P3,000 financial death benefit sa mga Manileño na namatayan ng mahal sa buhay.
Nabatid na noong 2024 pa lamang ay nabigyan na ng pamahalaang lokal ang mga naulilang pamilya ng cash na umaabot sa P17.7 million .
“Makaaasa po kayo na magtutuloy-tuloy ang pamimigay natin ng P3,000 na death benefit assistance para sa mga Manileño na nangangailangan ng karamay,” sabi ng alkalde.
Ayon pa kay Lacuna, ‘di man kalakihan ang tulong pinansyal na kanilang ibinibigay, ito naman ay pagpapadama ng simpatiya ng kanyang administrasyon sa mga Manileño na nawalan ng mahal sa buhay at ipakita sa kanila na ‘di sila nag-iisa sa panahon ng pagdadalamhati.
Kaugnay nito ay ipinahayag ng alkalde na ginagawa ng city government ang lahat ng makakaya nito upang makapamuhay ng mas mahaba at walang sakit ang mga Manileño sa pamamagitan ng kanyang panawagan na samantalahin ang libreng primary health care services sa city’s 44 health centers na nakakalat sa anim na distrito ng Maynila.
Sinabi pa nito na ang mga health centers ay nag-aalok ng karagdagang bagong serbisyo maliban pa sa karaniwang health services na libre ding ibinibigay sa mga residente. Nanawagan din siya sa mga barangay authorities na hikayatin din ang kanilang nasasakupan na samantalahin ang libreng serbisyo.
Kabilang sa mga bagong serbisyo ayon kay Lacuna ay ang mga sumusunod: clinical laboratories, ECG at ultrasound para sa mga buntis, bukod pa ito sa libreng gamot para sa maintenance tulad ng metformin, losartan, Atorvastatin at iba pa.
“Prevention is always better than cure. Tangkilikin ninyo ang ating mga health centers. ‘Wag na po kayong makipagsiksikan sa ospital, kng matutugunan ng health center ang inyong problema. Sila po ang magsasabi kung kailangang sa ospital kayo magpunta,” pahayag ni Lacuna, na isa ring doktor kasabay ng pagsasabi niya na mahalagang bumibisita sa mga health centers at sinasamantala ang mga libreng check-ups nang ‘di na hinihintay pang magkasakit.
Kapag nangyari naman ang ganito, sinabi rin ni Lacuna na ang health center na ang magre-refer sa pasyente sa ospital na pinakamalapit sa mismong pasyente. (ANDI GARCIA)