Advertisers
Ang tanong ng marami sa atin ngayon – magpapabakuna ba ako o hindi?- para may panglaban tayo sa COVID-19.
Isa sa pinaka-epektibong solusyon sa panahon ng pandemiya dahil sa sakit na nakakahawa ay ang pag-gawa o pag-imbento ng bakuna na lalaban dito.
Ang taong nabakunahan ay talagang makakaiwas na sa panganib na dala ng virus sa pandemiya. Maliit na ang tiyansang siya ay magkasakit o makakuha pa ng virus. At ang lugar o komunidad na nabakunahan na ay talaga namang makakaiwas na sa hawaan ng virus na nakamamatay gaya ng COVID-19.
Pinalalakas ng bakuna ang ating tinatawag na “immune system”. Siguro naman ay gets niyo na, kaya ang tawag sa programa nito ay immunzation.
Lumilikha o pinadadami din ng bakuna ang tinatawag din sa ating katawan na mga “anti-bodies” sa pamamagitan ng mga “antigen”, kaya kung karamihan o lahat na sa komunidad ay nabakunahan wala ng paglalagyan ang sakit na nakakahawa.
Ngunit ang paglikha ng bakuna ay hindi napakadali. Sumasailalim ito sa masinsing pananaliksik ng mga eksperto at maka-ilang pagsubok o mga clinical trials upang matiyak ang kaligtasan ng lahat na tuturukan nito.
At ang bansang gaya natin, na walang kakayahang makalikha ng bakuna, ay aasahan na lang ang mayayamang bansa na makaka-imbento nito at sa kanila na lamang bibili.
Ang ahensiyang namang naatasan para mag-apruba sa bakuna ay ang ating Food and Drug Administration (FDA). At isa sa importanteng papel na gagampanan ng ahensiyang ito ay ang pagsigurong ligtas na prosesong dinaanan ng bakuna, at maging ang ligtas na pagdating nito sa bansa at mga lugar na pagbabakunahan.
Maliban dito, ang mga bakunang di dumaan sa FDA o di nito inaprubahan ay ‘hao shiao’ na, at delikado pa. Kaya sisiguraduhin niyo rin, kung kayo ay magpapabakuna na, na tanungin kung ang bakuna ba ay inaprubahan na ng FDA.
Kung medyo yayamanin naman kayo at kayang lumabas ng bansa eh, di bumiyahe na kayo sa bansang may bakuna na at duon na magpaturok.
Sa papasok na bagong taon ay pihadong may ilalabas ng bakuna na aprubado na ng FDA dito sa atin. Siyempre, ang magtuturok nito ay mga kwalipikadong health workers. Pihado rin na ang bakuna ay magiging para sa ating lahat na Filipino.
Nasa sa inyo na yan, kung kayo’y magpapaturok o hindi. Kung kayo ay sang-ayon naman na magpa-bakuna, tumulong na rin tayo na ikalat ang mabuting balita na ang bakunang panglaban sa COVID-19 ay narito na.