Advertisers
Hindi naitago ni Atty. Princess Abante, ang matalino at matapang na anak ni Congressman Benny Abante, Jr. ng 6th district ng Maynila, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna at hepe ng Manila Public Information Office (MPIO), ang pagkadismaya kay ex-mayor Isko Moreno nang dumalo ito bilang panauhin ng MACHRA Balitaan, ang buwanang forum ng Manila City Hall Reporters’ Association.
Itong si Atty. Princess, na nagsilbi rin bilang Konsehal sa Maynila, ay matagal-tagal na rin namang kasama nina Lacuna at Moreno sa kanilang partidong Asenso Manileño. Kapwa niya nakatrabaho ang dalawa pero para sa kanya, maliwanag na walang dahilan para iwan niya si Mayor Honey para lamang kay Isko.
Una aniya, ginagawa nang maayos at mabuti ni Mayor Honey ang kanyang trabaho kaya walang dahilan para ang isang inakala nilang kaalyado na gaya ni Isko ay kumalaban sa kanya. Bukod diyan, isa umanong loyal o tapat na kaibigan at kasama si Mayor Honey mula’t sapul pa.
Lahat umano sila sa partido ay kinailangang magdesisyon at natutuwa siya na higit na mas marami ang piniling manatili kay Mayor Honey kesa sumama kay Isko.
Una, mismong si Vice Mayor Yul Servo ay kay Mayor Honey sumama. Aniya pa, lima sa anim na Congressman sa lungsod ay na kay Mayor Honey at kasama nitong tumatakbo, bukod pa sa majority ng mga nakaupong konsehal.
Sa hanay naman ng mga department heads at barangay, ganundin. Mas maraming di hamak ang patuloy na naka-suporta kay Mayor Honey.
Nangangahulugan lamang na iisa ang kanilang damdamin dahil kung si Mayor Honey ang may nagawang mali o palpak sa trabaho, siguradong iiwan nila ito.
Nang tanungin nga si Atty. Princess kung maibabalik pa ang dating pagsasamahan na nasira dahil sa desisyon ni Isko na kumalaban, mabilis nitong sinabi na “hindi naman kami ang nagtaksil ah. Paano namin aayusin ang isang bagay na di naman kami ang sumira?”
Pinagdiinan din ni Atty. Princess na kung me problema man, tiyak siya na hindi si Mayor Honey ‘yun.
Ang siste, wala palang kinonsulta ni isa sa partido si Isko nung magdesisyon itong tumakbo bigla para labanan ang kanyang “Ate Honey.” Ikinadismaya daw ito ng partido dahil sa kanilang pagkaka-alam sa loob ng mahabang panahon ay parang magkapatid sina Isko at Mayor Honey pero ni hindi iginalang ni Isko ang relasyong ito.
Sa katunayan, ayon pa kay Atty. Princess, walang narinig na reklamo kay Mayor Honey kahit pa ang iniwan sa kanya ni Isko ay utang na P17.8 bilyon at mga proyekto na nakatiwangwang dahil inumpisahan lamang para lamang may mailagay sa campaign materials dahil tatakbo palang Presidente.
Ultimo din pala ang pagtakbo nitong Presidente nung 2022 ay solo katawan din niyang desisyon dahil wala ding kinonsulta sa partido at ni wala ring ideya ang mga konsehal na nang bigyan nila ng authority na makapangutang si Isko ay tumataginting na P17.8 bilyon ang inutang nito sa loob lang ng dalawa at kalahating taon sa puwesto.
Mula pala ‘yan sa P25 bilyong credit line o pupuwedeng utangin ng Maynila na dapat ay pupuwedeng gamitin para sa siyam na taon.
Sa kabila ng pagdurusang minana ni Mayor Honey, nagawa pa rin niyang magbayad ng mahigit P3 bilyon para mabawasan ang inutang ni Isko, habang nagsasagawa pa ring ng mga programa para sa mga taga-lungsod. Nagawa pa niyang doblehin ang allowance ng senior citizens at magbigay ng P2,000 cash gifts sa mga estudyanteng nakapagtapos ng kolehiyo sa UDM at PLM.
Sa ganang akin, personal ko ding nakita ang punto ni Atty. Princess dahil nasaksihan ko din kung paano naging mabuting kaibigan si Mayor Honey kay Isko.
Gaya pa din ng sinabi ni Atty. Princess, wala din akong makitang maayos, tama at magandang dahilan para biglang kalabanin ni Isko si Mayor Honey.
Hindi naman din siguro kakampi kay Mayor Honey ang lima sa anim na Congressman at majority ng mga konsehal, punong barangay at department heads kung siya ang may maling nagawa o may diprensiya.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.