Advertisers
Ni Juliet Q. Pacot
PUSONG tatay pa rin ang umiral sa pagkatao ni Super Tekla na kahit inalipusta at dinurog ng dating live-in partner, super love pa rin nito ang anak na si Baby Angelo.
Ito ay matapos pabinyagan ng komedyante ang bunsong anak na kalalabas lang ng ospital dahil sa ilang karamdaman.
Ilang malapit at kaibigang artista ang tumayong ninong at ninang sa binyag ni Angelo sa pangunguna siyempre ng beshie ni Tekla na si Donita Nose na binansagang Pambansang Beshie dahil sa suportang ibinigay niya sa kaibigan.
Ninang din si Sharon Cuneta na nagpakita ng suporta kay Tekla, maging ang panganay na anak ng komedyante na si Aira ay naroroon at kitang-kita ang pagmamahal nito para sa kapatid na si Baby Angelo.
Sa isang video na ibinahagi nila sa YouTube Channel na Donekla in Tandem, makikita ang emosyunal na binyag na dinaluhan hindi lang ng Megastar kundi naroon din ang dating beauty queen na si Ariela Arida, Lovely Abella, Ethel Booba na mga kasama nito sa programang Wowowin, ang Beks Battalion na binubuo nina Chad Kinis, Lassy at MC, Betong Sumaya at Nelson Canlas.
Marami ang natuwa para kay Tekla sa kabila ng kanyang pinagdaanan nang mabunyag at madawit sa eskandalo nang ireklamo siya ng dating ka-live-in.
Ibinahagi rin sa Youtube channel na titira si Aira kasama ang daddy n’ya sa Maynila. Going straight na talaga si Tekla lalo na ngayong makakasama na ang only Princess n’ya.
Matatandaang naging kontrobersyal si Super Tekla nang akusahan ito na hindi nagsusustento kay Baby Angelo dahil lulong sa droga, matapos magsalita ang ilang tao na malapit kay Tekla tungkol sa akusasyon ng dating kinakasama, naglabas ng kanyang panig ang komedyante. Pinabulaanan nito ang paratang ni Michelle. Para mapatunayan na totoo ang kanyang mga alegasyon, handa umano siyang sumailalim sa lie detector test at pagsusuri kung siya ay gumagamit pa ng ipinagbabawal na gamot.