Advertisers

Advertisers

Bumagsak ang tulay, bumagsak din ba ang responsibilidad? DPWH gising!

0 15

Advertisers

Gumuhong tulay. Trapik na abot-langit. Reblocking nang reblocking.

Araw-araw, puro pahirap na lang sa mga commuter at motorista ang butas-butas na kalsada, walang katapusang traffic, at tila walang planong road repairs. Pero imbes na solusyon, puro turuan ang ginagawa ng mga kinauukulan.

***



Sabi nila, dahil dumadami ang bilang ng mga kotse sa kalsada, lalo na ang mga truck, bumabagal ang daloy ng trapiko at bumibigat ang pasanin ng lahat.

***

Pero ito lang ba talaga ang problema?

Kamakailan, isang tulay sa Isabela ang bumigay. Sa isang iglap, gumuho ito na parang bahay na gawa sa papel. Kabago-bago pa lang nito, bakit biglang lumubog? Design flaw ba? Palpak na construction? O dahil ba sa sobrang bigat ng mga sasakyang dumadaan?

***



Sa imbestigasyon ng Senado, hindi nagpaligoy-ligoy si Senador Alan Peter Cayetano at diretsahang hinarap ang Department of Public Works and Highways (DPWH.) Hinanap ng senador kung may malinaw na plano na bang ginagawa matapos ang insidente o kung patuloy lang na patay-malisya ang mga nasa ahensya.

***

Sa halip na matibay na sagot, tila katahimikan at palusot lang ang naging tugon. Walang konkretong aksyon, walang malinaw na direksyon. Kahit sinong mag-imbestiga ng ganitong insidente, mawiwindang.

***

Binanggit din ng senador ang kawalan ng sense of urgency ng ahensya. Baka naman kapag rekomendasyon kung aling kalsada ang dapat butasin ulit, doon lang sila mabilis kumilos?

***

Kung seryoso tayong solusyunan ito, hindi lang DPWH ang dapat gumalaw. Dapat makisama ang iba pang ahensya para tiyakin na nasusunod ang tamang bigat na kaya ng ating mga tulay at kalsada.

***

Kailangang mahigpit na bantayan ang load limits at tiyaking matibay ang bawat kalsada, tulay, at iba pang imprastraktura.

Hindi puwedeng puro kumpiyansa at pangakong “Sige lang” o paulit-ulit na deklarasyong “We’ll get to the bottom of this.”

***

Tama na ang pagmamalinis tuwing budget deliberation. DPWH at iba pang government agencies, ito na ang pagkakataon para patunayan na may silbi kayo. Hindi puwedeng reactive, dapat proactive.