Advertisers
MASASABI kong “supot” ang pasabog ni Presidente Rody “Digong” Duterte sa listahan ng “most corrupt congressmen” sa Pilipinas.
Oo! Malakas pa yata rito ang “boga” ng batang binaril-patay ng buang na pulis na si Jonel Nuezca sa Paniqui, Tarlac.
Bakit ko nasabi ito? Eh kasi ang mga pangalang binanggit ni Digong sa kanyang listahan ng most corrupt politicians ay hindi kapani-paniwala, walang tunog na mga mandarambong ang naturang mga mambabatas.
Kaya ko naman nasabi na mas malakas ang putok ng “boga” ng 25-anyos na si Frank Anthony Gregorio na walang awang pinaslang ni Nuezca ay dahil natulig ang buang na pulis na ilang bahay ang pagitan mula sa bahay ng biktima.
Sa kanyang lingguhang public address Lunes ng gabi, walang prenong inanunsiyo ni Digong ang pangalan ng anim sa aniya’y most corrupt congressmen: Josephine Sato ng Occidental Mindoro, Teddy Baguilat Jr (ex-Rep. ng Ifugao), Alfred Vargas (5th District Quezon City), Henry Oaminal (2nd District Misamis Occidental), Alyssa Sheena Tan (4th District Isabela), Paul Daza (1st District Northern Samar), Angelina Helen Tan (4th District Quezon Province), Eric Yap (ACT-CIS partylist), Geraldine Roman (1st District Bataan).
Ang pangalan nila ay hindi matunog sa liga ng mga mandarambong na mambabatas sa Pilipinas tulad nitong actor-politician na si Vargas, transgender na si Roman at Yap na bagito palang sa politika. Yung iba rito na mula sa lahi ng trapo ay naniniwala akong kulimbat nga!
Napakamalas naman nitong si Cong. Vargas. Nilangaw na nga ang pelikula niya sa MMFF 2020 ay nasama pa siya sa list ng most corrupt congressmen. Tsk tsk tsk…
Si Roman naman, naniniwala ako na mahusay ito sumipsip pero walang tunog ito sa pangungurakot.
Lalo si Yap na kapapasok palang sa politika. Mahusay siya sa negosyo sa Customs pero sigurado akong wala pa itong malay sa paggawa ng pera sa kongreso.
Pero sabi ni Digong, hindi naman siya sigurado na mga kulimbat nga ang mga pinangalanan niyang mambabatas. Ganun? Kung hindi siya sigurado, bakit niya isinapubliko? Anong klaseng lider ka ng bansa? Para ka lang tambay na tsismoso!
Sa ginawang ito ni Digong ay malamang magwawakas na ang political career ng mga opisyal na nabanggit!
Ang mga inaasahan naman nating babanggitin ni Digong sa kanyang “most corrupt list” ay hindi nabanggit. Anak ng Teteng!!!
Pero ang tunay na salarin sa “most corrupt list” na ito ni Digong ay si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica. Siya ang gumawa ng listahan na ito. Validated raw ito!
Anong klaseng investigations at validations kaya ang ginawa ni Greco sa ginawa niyang listahang ito ng mga kurap na mambabatas bakit hindi nakasama ang mga sikat na magnanakaw sa kongreso?
Comm. Greco beke nemen sa Romblon ay puede ka mag-imbestiga. Dito ay lantaran ang katiwalian, kahit magtanong ka pa sa Ombudsman at Sandiganbayan. Mismo!
Wala naman kasing pananagutan si Greco sa ginawa ni Digong. Hindi siya makakasuhan ng Libel dahil hindi naman siya ang nagsapubliko sa pangalan ng mga kongresistang tinagurian nilang most corrupt! At lalong hindi makakasuhan si Digong dahil may immunity from suit pa siya bilang Pangulo ng bansa.
Ang epekto lang nito kay Digong ay mawawalan ng suporta ang iendorso niya sa 2022. Mismo!
Teka, bakit hindi binanggit ni Digong ang DPWH District Engineers na aniya’y kasabwat ng mga kongresista sa paghukos-pukos sa mga proyekto?
Dahil ba sa masasagasaan si DPWH Sec. Mark Villar? Hmm…
Happy New Year po sa lahat. Sa Huwebes po last issue namin sa 2020.