Advertisers

Advertisers

BAGONG PAGKAKATAON, BAGONG PAG-ASA SA ILALIM NG BAGONG PILIPINAS

0 10

Advertisers

MULING pinatunayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang tunay na kapayapaan ay hindi naisasakatuparan sa pamamagitan ng lakas ng armas, kundi sa bukas na puso, pagkilala sa pagkakamali, at pagyakap sa pagbabagong makatao at makabayan.

Sa ceremonial signing ng memorandum order na nagbibigay-kapangyarihan sa National Amnesty Commission (NAC) na mag-isyu ng Safe Conduct Passes (SCP) na ginanap sa 6th Infantry Division ng Philippine Army (PA) sa Camp Brigadier General Gonzalo Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, nanawagan si PBBM ng pagkakaisa.

Dito’ hinimok ng Chief Executive ang mga dating rebelde na tahakin ang landas ng pagbabalik-loob, sa tulong ng SCP na ipagkakaloob ng NAC.



Ang ganitong hakbang ay hindi kahinaan ng pamahalaan, bagkus ay isang makapangyarihang pahayag ng malasakit—na sa kabila ng mga kasalanan ng nakaraan, may puwang pa rin para sa kapatawaran at pagbabago.

Sa kasaysayan ng ating bansa, napakaraming sugat ang ibinunga ng hidwaan at digmaan, hindi lang laban sa mga dayuhang mananakop kundi sa pagitan ng magkakapatid na Pilipino.

Ngunit ngayon, binibigyang-daan tayo ng kasalukuyang administrasyon na paghilumin ang mga sugat na ito—hindi sa pamamagitan ng paglimot, kundi sa pamamagitan ng pagkilala at pagtutuwid.

Sa panawagang ito ng Punong Ehekutibo, hindi lamang binubuksan ang pinto ng gobyerno sa mga dating lumaban dito, kundi pinapaalala rin sa ating lahat ang kahalagahan ng kapayapaang nakaugat sa katarungan at pagkakaunawaan.

Ang pagbibigay ng SCP ay isang konkretong patunay na ang gobyernong Marcos ay handang makipagkamay sa mga nais muling maging kabahagi ng lipunan, basta’t taos-puso at tapat ang layunin nilang magbago.



Dito pumapasok ang papel ng bawat institusyon—ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ang Philippine National Police (PNP), OPAPRU, at iba pang ahensyang may kinalaman sa kapayapaan.

Ang kanilang tapat na pagtugon sa tungkulin ay susi upang maging matagumpay ang layuning ito. Kailangang tiyakin na ang mga dating rebelde ay hindi lamang bibigyan ng proteksyon kundi ng pagkakataong muling mamuhay bilang produktibong mamamayan.

Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, muling binibigyang-saysay ang pagkakaisa bilang pundasyon ng tunay na pagbabago.

Sinasabing sa bawat pagbabalik-loob, may panibagong pag-asa. Sa bawat pag-unawa, may panibagong pag-angat.

Higit sa lahat, ito ay panawagan sa ating lahat.

Panahon na upang talikuran ang galit, ang takot, at ang pagkakawatak-watak.

Piliin natin ang pagiging Bagong Pilipino—disiplinado, mahusay, at may tunay na malasakit sa bayan.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.