Advertisers
BAGO natin isalang si Tsis, maiging makibalita tayo sa pulitika sa Caloocan City. Batay sa huling balita, nakikialam na ang grupong Inferior Davao sa mga katunggali ni Sonny Trillanes sa pagka-alkalde ng siyudad. Bumubuhos sila ng suporta upang gumanti kay Trillanes na kinikilala na unang nagharap na sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi sa International Criminal Court (ICC). Kaugnay sa madugo pero palpak na giyera kontra droga.
Nagkakamali ang sindikatong Inferior Davao sa pagsuporta kay Along Malapitan. Hindi si Sonny Trillanes ang kanilang inilulubog, sa aming tingin. Ang mga mamamayan ng Caloocan City ang magdurusa sapagkat sila ang mas higit na nangangailangan ng matinong serbisyo at hindi si Trillanes. Manalo o matalo si Trillanes, iikot ang mundo sa kanya. Pero hindi nila maibabalik sa bansa si Gongdi mula sa kanyang piitan sa Scheveningen, Olandiya.
***
MAS makatarungan na tawaging demokratikong mandirigma, o “democratic warriors,” ang mga tinaguriang “dilawan” at “pinklawan.” Mas may ipagmamalaki ang mga nilalang na kabilang sa dalawang grupo kesa sa sindikatong Inferior Davao o kahit mga loyalista ni BBM. Hindi sila nawala sa anumang laban at patuloy nilang ipinaglalaban ang tema ng demokrasya, kaunlaran, kapayapaan, at katarungan.
Hindi sila nabuhay sa kadiliman, kasinungalingan, at kasamaan. Bagkus, kanilang nilabanan ang mga ito kahit may mga pagkakataon na ginapi sila ng kamangmangan at kawalan ng katarungan. Handa silang manindigan hanggang sa wakas. Basta alam nilang nasa tamang landas sila, ipaglalaban nila ang lahat.
Ito ang dahilan kung bakit matindi ang kanilang galit kay Tsis. Alam nila na si Tsis ang dahilan kung bakit nahalal si Gongdi noong 2016. Hindi nila pinatawad si Tsis sa kanyang papel sa halalang pampanguluhan na nagluklok kay Gongdi sa poder noong 2016.
Hindi nila nalilimutan na si Tsis ang nagsulsol kay Grace Poe na pumalaot sa halalan kahit wala siyang sapat na karanasan upang maging pangulo. Dahil sa dulas ng dila at tamis ng salita, narahuyo si Grace, naniwala kay Tsis, at tumakbo upang hatiin ang boto ng puwersang demokratiko.
Ang pinakamasakit: nagpanggap si Tsis na kabilang sila ni Grace Poe sa puwersang demokratiko kahit hindi totoo. Binola nila ang political constituency na maka-demokrasya.
Iyan ang pulitika ni Tsis. Mahilig siyang mamangka sa kung ano-anong ilog. Mahilig siyang magpanggap na kabilang siya sa ano-anong grupo kahit na sa totoo ay tanging ang sarili lang inaatupag. Wala siyang sariling paninindigan sa maraming isyu ng bayan.
Makikita natin kung paano niya paglalaruan ang impeachment trial ni Misfit Sara. Gagamitin niya ito upang umabante ang kanyang political career sa hinaharap. Magpapanggap na walang kinikilingan bagaman sa huli ang sarili ang ipapanalo.
Masdan natin kung paano niya maniobrahin ang impeachment trial upang gamitin ang iba’t ibang karakter na sangkot sa paglilitis at, sa huli, umabante siya. Tanging ang sarili ang mahal ni Tsis. Wala siyang pagmamahal sa Inferior Davao, Pinklawan at Dilawan, at kahit sa puwersang kampi kay BBM. Manmanan. Matyagan. Busisiin.
***
BALIK tayo sa pulitika ng Caloocan City. Alam ba ninyo na ginagawa ni Along ang lahat ng kalokohan at kagaguhan upang mapigil ang daluyong ng simpatiya ng mga botante kay Sonny Trillanes? Ginagamit ni Along ang mga hawak nila ang mga tiwaling opisyal ng barangay upang pigilan ang taong kasama ni Trillanes sa kampanya.
Hindi nila pinapapasok ang mga taga-kampanya ni Sonny. Katwiran nila – kumuha muna ng permiso mula sa alkalde. Teka- foul ito dahil wala ganito sa batas. Kailangan kumuha ng permit si Sonny kay Along, ang alkalde. Labag ito sa election law. Maiging tingnan ito ng Commission on Elections (Comelec) sa lalong madaling panahon.
Maraming salapi si Along. Tumatakbo mula P3,000 hanggang P5,0000 ang ayuda ni Along sa bawat botante. Hindi ito matatapatan ni Trillanes. Hindi siya mayaman at hindi siya nagpayaman sa 12 taon niya bilang senador. Isa lang ang payo ni Trillanes – kunin ang pera pero iboto ang dikta ng konsensiya. Batid ni Trillanes kung saan galing ang pera ni Along. Hindi iyon galing sa mabuting paraan o kamay.
Pero buo ang loob ni Trillanes. Hindi siya natakot kay Gongdi kahit ipinagmagaling ng tila bangag na presidente ang poder ng panguluhan noong siya ang pangulo. Hindi niya uurungan si Along kasi siya ang nasa matwid at programa upang mapaunlad ang siyudad ng Caloocan.
Hindi siya kukurap kay Polong na kasalukuyang nasa The Hague upang makipagtalastasan kay Gongdi. Samantala, minamatyagan ng mga gobyerno ng Estados Unidos at kasaping bansa ng European Community ang pananalapi ng mga Duterte, lalo na ang mga kayamanang dinambong sa kaban ng bayan. Umiiral ang Global Magnitsky Law at hindi ito magagalaw o makukuha ng mga Duterte sa sandaling makilala ang mga ito ng binanggit na gobyerno.