Advertisers

Advertisers

KABATAAN SAGIPIN ANG BAYAN

0 2,984

Advertisers

Bilang manghahalal, tuwiran ang paglahok sa halalan at dama ang kaba habang papalapit ang halalan ng mga kinatawan sa mga kapulungan ng kongreso maging sa lokal na pwesto. Kinakabahan dahil namalas ang ilang tauhan ng barangay sa Krus na Ligas sa Distrito 4 ng Lungsod Quezon na may bibit na tila “sample ballot” na nagbabahay – bahay. Di’ batid ang layon at ‘di minamali ang gawa ngunit ng usisain kung ano ang nasilip na papel, galing kuno sa COMELEC. At ng hanapan ng kaukulang kalatas o MeMo walang maipakita at tila alumpihit bakit may nagtatanong. Kinuha ang ngalan ng tauhan ng barangay kuno ngunit ‘di babangitin at ibig ipabatid sa COMELEC na alamin ang banggit na pag-iikot na may dalang “Sample Ballot” mula kuno sa komisyon. Mula ba sa Komisyon o kung sinong may pinapaborang kandidato? At kung may paglabag ang kaukulang pagkilos, inaasahan sa Komisyon ang agarang kilos ng mapawi ang kaba sa magaganap sa halalan sa Mayo.

Sa pagtatasa ng kaganapan sa halalan, nariyan ang girian ng mga lapian at ang galawang nakaka kaba na ibig ng bawat lapian ang maungusan ang bawat isa. Sa kaganapan walang pag-aatubili o pag-iingat ang mga lapian sa paggalaw na lantaran ang paglabag sa kabutihang asal na binabangit sa mga pagtitipong nagaganap ng mga kumakandidato na tinutunguhan ng mga lider o pinuno upang palakasin ang tindig sa halalan. At nariyan ang mga bulaang survey na gamit sa panlililo sa mga bobotante kung sino kuno ang ibig ng nakakarami at siyang magaganap sa dulo ng halalan, ang bilangan. Samantala, sa mga kaganapan na mga “mock election” sa mga Pamantasan, malinaw ang ibig ng mga Kabataan sa kung sino ang nais iluklok sa mataas na kapulungan ng kongreso na malayong malayo sa resulta sa ginagawang bulaang survey.

Sa totoo lang, batid ang layon ng survey higit ng mga nagpapasurvey na ipakita kuno sa mga bobotante kung sino ang ibig ng nakararami na ihalal, higit sa senado. Ang pagtatapon ng pera’y karaniwan na mababatid sa pagtaas ng mga tayo kuno ng kandidatong kasama sa Mahika ng labing dalawa. Samantala, sa mga mock election, tumutuon sa mga kandidato na ibig ng Kabataan na kumatawan sa kanilang interes at sa bayan. Walang bayaran nagaganap at kusang ginagawa ang “mock election” upang mabatid at ipabatid ang ibig ng mga mag-aaral o Kabataan. Walang mali o tama ngunit kailangan mabatid ang kagalingan ng mga nagaganap na pagtatanong sa mga botante kung sino ang ibig. Sa totoo lang, napaka-aga na mabatid ang ibig ng mga manghahalal higit ‘di nakikita ang laman ng mga survey o pagtatanong maging ang mukha ng mga mock election.



Sa pagsusuri, mainam na lamanan ng numero kung saan nanggaling ang boto na nagbibigay ng panalo sa mga nagpapa-halal. Sa bilang na babangitin masasabi ang kasapatan ng mga nagaganap na survey o mock election upang masabing may kredibilidad resulta ng mga pagtatanong. Sa tala ng Komisyon ng halalan, nariyan ang 69.6 milyon botante para sa halalan sa Mayo. Sa pagkakahati sa mga henerasyon ayon sa panahon ng kapanganakan, ang henerasyon ng Millennials na pinanganak mula 1981 – 1996, 34.15% o 25.94 milyon botante ang rehistradong botante. Samantala, 28.79% o 21.87 milyon ang bumubuo ng Gen Z na ipinanganak sa taong 1997 – 2007, habang 17.64 Milyon ang bumubuo sa Gen X na ipinanganak sa taong 1965 – 1980. At ang panghuli ang Baby Boomers at Silent Generations na ipinanganak mula 1946 – 1964, 10.50 milyon ang rehistradong botante. Karagdagan, 68% ng boboto’y mula sa Kabataan o sa henerasyon ng Gen Z at Millennial.

Sa banggit na istatistika, silip ang bulto o dami ng panggagalingan ng boto na magdadala sa ibig na kinatawan. Ngunit, ‘di batid ang layon ng masalimuot na pagtatanong sa mga survey at may kahirapang tanggapin kung ibabangga sa ginagawang mock election sa mga pamantasan. Ang ‘di pagdadala ng media o social media sa naganap na mock election sa mga Pamantasan ay tila sadya ng ‘di mapansin ang lakas ng mga kabataan sa halalan. Sa datos ng Komisyon, malinaw na mataas ang bilang ng mga Kabataan kumpara sa ibang mga henerasyon. Subalit ang paglalarawan sa mga bulaang survey ang mas binibigyan pansin na tuwirang panlililo sa mga manghahalal. Sa patas na pananaw, hindi makita ang tunay na ibig ng Pinoy na kumatawan sa kanila sa mga kapulungan. Sa bilang at bilang na usapin, hindi naungusan ang dami ng mga botante ng Gen Z at Millennials na ang pinipili ang walang ngalan na kandidato ngunit tunay na nagseserbisyo. At ito ang kabaligtaran ng mga kaganapan sa mga bulaang o bayarang survey.

Malalim ang usapin ng halalan higit pansin ang pagkakahati ng mga opisyal ng pamahalaan sa kung sino ang ibig siya ang inaayudahan na may pagtaas ng kamay. Sa totoo lang, tila laban ng mga opisyal ng bansa ang halalan na patunay na ‘hindi nagkakaisa ang mga lider higit sa punto ng pagpapasipa sa isang halal ng bayan na si Mary Grace Piattos. Sa labang bangit silip ang pagkiling ng abalang pangulo sa mga kaalyado ng PaDaPa na lapian ng amang napunta sa Iwahague, habang ang pangulo’y panay ang kampanya sa mga kaalyado sa partidong dala. Ang kaganapan sa kampanya’y malinaw na banggaan para sa magaganap na pagpapasipa sa abalang pangulo sa darating na buwan. Samantala, tanaw ang batikusan na mababa pa sa pundilyo higit sa mga taong makakasama sa pagpapasipa kay Inday Sipa na tutuluyan sa pagpasok ng bagong kongreso.

Sa malalim na usapin, itaas ang antas at itulak ang malinis na halalan na siyang inaasahan sa Komisyon na nangangasiwa ng halalan. Ang marinig ang tunay na boses ng tao ang inaasahan at ang paiiralin at ‘di ang resulta na gawa ng mga mahikero at makinang may programa. Ang patas na halalan ang magdadala sa bansa sa kagalingan sa kinabukasan. Ang marinig ang boses ng nakararami’y ang boses na nanggagaling sa itaas at huwag salingin ng dahil sa kaperahan. Malakas ang boses ng Kabataan at ang inaasahang sasagip sa bayan na matagal ng naghihirap. Dama ng Kabataan mula sa henerasyon ng Gen Z at Millenials ang pagbabagong ibig isusulong upang marinig ang boses ng henerasyon ng kinabukasan. Kabataan, huwag magtumpik tumpik at dalhin ang bayan sa makabagong bansa para sa kinabukasan. Huwag mag-alala at narito ang henerasyon ng Baby Boomers na handang umalalay sa ibig ng Kabataan na sasagip sa bayang naghihirap.

Maraming Salamat po!!!!