Advertisers
Ni Juliet Q. Pacot
MALAKI raw ang naging papel ng First Couple sa Malakanyang para maibsan ang problema sa gastusin ng pagpapalibing kay Superstar Nora Aunor.
Kinumpirma mismo ng Presidential Communications Office (PCO) na binayaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga utang at iba pang naiwang bayarin ng namayapang showbiz icon at National Artist.
Ito ang inihayag sa harap ng media ni Analisa Puod, Senior Undersecretary for Operations and Strategic Communications ng PCO, nitong Linggo, April 27, 2025.
Sinabi ni Puod na galing mismo sa bulsa ni Presidente Bongbong Marcos ang pambayad sa hospital bill at iba pang utang ng namayapang Filipino icon.
Nagbigay rin daw ng personal niyang pera si First Lady Lisa Araneta-Marcos.
Naitsika pa ng opisyal na hindi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nagbayad ng hospital bills ni Nora kundi ang Office of the President at ang Presidente mismo.
Covered ng Office of the President ang hospital bills ni Nora dahil ito ay National Artist for Film and Broadcast Arts, ngunit may hangganan itong P750,000 kada taon.
Dahil sa isang private hospital na-confine si Ate Guy, ang total bills ay mas malaki sa takdang limit na kakayaning panagutan ng Office of the President.
“Aside sa makukuha niya as National Artist, nagbigay ng personal na pera ang First Couple,” sabi pa ni Puod, na ang tinutukoy ay si Presidente Marcos at ang First Lady.
“Kasi nasa private hospital si Nora Aunor, malaki yung bill, na ‘di na kayang i-cover.
“Di lang ‘yung hospital bill n’ya. Pati ibang utang at ibang expenses daw, galing sa personal na pera ni PBBM.”
Hindi na idinetalye ng PCO official kung magkano at kung anu-ano ang mga binayaran ng First Couple.
Kaugnay nito, bago pa kumilos ang Presidente at First Lady, may mga taga-industriya—mga indibidwal at kumpanya—na minarapat nang magbigay-tulong pinansyal sa pamilya ni Ate Guy.
Sa pagpanaw ni Ate Guy, naglabasan ang mga kuwento ng kanyang kabutihang-loob sa mga walang-wala.
Nagsalita ang mga direktor, screenwriter, kapwa artista at iba pang saksi sa kung anu-anung mga kusang pagtulong ni Ate Guy sa fans, sa crew, at sa kapwa artista nang siya’y nabubuhay pa—sa panahon man ng kasikatan niya at kahit sa paglamlam nito.
Maririnig sa mga naging eulogy sa kanyang lamay ang mga pagkakataon, na kahit daw wala na itong mahugot sa sariling bulsa, kung kinakailangan niyang utangin ang ramdam niya’y dapat ipamigay, gagawin niya.
Maging ang sariling pamilya ni Nora ay nagsabing malinaw sa kanila na hindi mahalaga ang pera sa ina.
Sabi naman ng ilang naging saksi sa kanyang karir, napakaraming pera ang dumaan sa kamay ng Superstar sa mahigit limampung taon nito bilang recording artist, actress, TV host, at concert performer. Marami ang nakinabang dito at meron pa ngang mga nagsamantala.
Ngunit wala raw bahid ng galit sa kalooban ni Nora dala na rin daw ng malalim na paniniwala nito sa Diyos.
Ngayong nagpaalam ang mga tao sa nag-iisang Superstar, tila ibinabalik naman nila sa kanya ang generosity nito nang siya’y nabubuhay pa.
Matatandaang namayapa si Ate Guy noong April 16, 2025 at inilibing sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Pumanaw siya sa edad na 71 dahil sa acute respiratory failure.