Advertisers
Ni Archie Liao
PINAG-uusapan ang kumalat na video na nakunan ng ilang netizens kung saan nahuling lumuluha ang actor-direktor na si David Chua habang nanonood ng concert sa Tondo, Manila kamakailan.
Kasama niya roon ang ilang artista at performers tulad nina Meg Imperial, Smokey Manaloto, Jopay & Joshua, Autotelic Band, at ang Bandang Lapis.
Sa video na mabilis nag-viral, makikita si David sa gilid ng stage mag-isa, habang umiiyak nang todo habang sinasabayan ang Bandang Lapis sa pagkanta ng kanilang awiting ‘Kabilang Buhay,’ na tungkol sa pagpanaw at pangungulila sa mga mahal sa buhay.
Nang lapitan si David ng ilang vloggers pagkatapos nung event, tila nadyahe siya dahil sa kanyang ‘emo moment.’
“Nakakahiya naman,” pag-amin niya. “Yung lyrics kasi, naalala ko lang kasi yung mom ko na sumakabilang-buhay noong 2020, nung kasagsagan ng pandemic.”
“Mas ramdam ko lang kasi yung song dahil malapit nang mag-Mother’s Day, and naalala ko lang kung paano kami usually nagse-celebrate.”
“Kasi nga, since lumaki ako na walang tatay, yung mom ko lang talaga yung ‘constant’ sa buhay ko, lalo na nung nagsisimula pa lang akong mag-artista. Siya lang talaga yung nagsu-support sa’kin noon.”
Hindi lingid sa kaalaman ng fans ni David na pumanaw na rin kamakailan ang kanyang ama na halos dalawang beses lang niya nakita mula noong iniwan nito silang mag-ina. Posible kayang nakadagdag ito sa dalamhati ng Chinito actor?
“Medyo, pero iba kasi yun, e. Iba kasi yung tama nun sa’kin. Ang sa’kin lang, masaya lang ako na nagkaroon na kami ng closure, at pinatawad ko na rin siya. And alam niyo, gumaan talaga yung feeling ko mula noon. Nawala na yung hinanakit na matagal kong dinadala.”
Paano niya ipagdiriwang ang Mother’s Day, ngayong ulila na nga siya sa magulang?
Aniya, “Plano ko bisitahin yung mom ko sa libingan, tapos after that, meron kaming maliit na salu-salu sa Tondo. Dasal ko lang, sana andyan pa rin yung nanay ko na patuloy na gumagabay sa’kin, at sana proud pa rin siya sa mga kabutihang ginagawa ko para sa mga kababayan namin sa Tondo, sa pamamagitan ng aming advocacy na Damayan sa Distrito Dos.”