Advertisers
Pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kapwa kandidato sa pagkasenador mula sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP) at iba pang senatoriable na inendorso ni dating Pangulong Duterte, ang isang motorcade sa Bataan, at nakakuha sila ng malakas na suporta mula sa mamamayan ng lalawigan.
Kasama ni Go sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa, Phillip “Ipe” Salvador, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Raul Lambino, at Dr. Richard Mata. Kabilang din sa DuterTEN slate sina Congressman Atty. Rodante Marcoleta, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Vic Rodriguez, at Pastor Apollo Quiboloy.
“Maraming salamat po sa inyong suporta. Gaya po ng sabi ni Tatay Digong, ‘Do what is right at hindi ka magkakamali ‘dyan,” ani Go na pinasalamatan ang kanyang mga tagasuporta.
“Makakaasa po kayo na kami sa PDP ay patuloy na magseserbisyo sa abot ng aming makakaya. Ang kapanalunan ng partido ay kapanalunan ng mga Pilipino,” dagdag niya.
Bilang chairperson ng Senate committee on health and demography, binigyang-diin ni Go ang kanyang tuloy-tuloy na hakbang upang matiyak ang accessible na pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Binanggit niya ang mga pangunahing programa tulad ng Malasakit Centers, na pangunahin niyang inakda at itinaguyod sa ilalim ng Republic Act No. 11463. Sa ngayon, 167 Malasakit Centers ang tumatakbo sa buong bansa, kabilang ang dalawa sa Bataan—sa Bataan General Hospital and Medical Center sa Balanga City, at ang Mariveles Mental Wellness and General Hospital.
Binigyang-diin din ni Go ang pagtatatag ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa, na may 13 sa Bataan.
Dagdag pa rito, buong pagmamalaki ni Go na binanggit ang RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na pangunahin niyang itinaguyod at isinulat. Layon nitong magbigay ng espesyal na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng mga regional hospital ng DOH.
Higit sa kalusugan, binigyang-diin din ni Go, vice chairperson ng Senate committee on finance, ang kanyang suporta sa iba’t ibang proyektong pangkaunlaran sa Bataan sa kanyang termino bilang senador.
Kabilang dito ang pagpapabuti ng kalsada sa Limay, Morong, Bagac, at Pilar, at ang pagtatayo ng multi-purpose na gusali sa mga munisipalidad tulad ng Bagac, Balanga City, Hermosa, Limay, Mariveles, Orion, at Pilar, bukod sa iba pa.
Kahapon, dumalo naman si Go sa paglagda Book of Condolences bilang parangal sa Kanyang Kabanalan Pope Francis sa Apostolic Nunciature sa Maynila. Pinangunahan din niya ang turnover ceremony sa bagong itinayong Super Health Center sa Hermosa kung saan siya ay isang adopted son ng bayan.