Advertisers
Marami nang insidente na nalagay sa peligro ang mga opisyal ng barangay maging ang mga tanod sa paglilingkod sa bayan. Masasabing buhay din ang kanilang puhunan para mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng komulidad para sa seguridad ng mamamayan.
Pero sa kabila ng lahat ng kanilang mga nararanasan, patuloy pa rin sa paglilingkod ang mga ito kahit na mababa ang kanilang natatanggal na suweldo/allowance mula sa pamahalaan.
Ano pa man, kaunting kembot na lang, magiging masaya na ang mga nagtatrabaho sa barangay dahil isa sa prayoridad ni senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ay mabigyan ng karagdagang benepisyo ang mga ito.
Tama ang inyong nabasa, isa sa unang isusulong ni Abalos sa Senado at panukalang batas ang karagdagang benepisyo para sa mga opisyal ng barangay, kabilang ang mga barangay tanod at iba pang manggagawa sa barangay, lalo na kung sila ay masugatan o magbuwis ng buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ang panukala ni Abalos ay bunga ng nangyaring pagpatay sa isang kagawad ng barangay habang namamagitan sa isang gulo sa New Lucena, Iloilo.
Ayon kay Abalos, hindi ito ang unang pagkakataon na may nasasaktan o nasasawi sa hanay ng mga opisyal ng barangay at tanod habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtugon sa mga sakuna.
“They are our frontliners in almost everything that threatens peace and order, and the safety of their constituents. Marami na tayong nabalitaan na nasaktan at nagbuwis pa nga ng buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin. Kaya hindi naman kalabisan na tiyakin naman ng gobyerno na hindi sila pababayaan,” pagdidiin ni abalos.
Kabilang sa mga karagdagang benepisyong nais ni Abalos ay ang pagkakaroon ng sapat na pondo at agarang paglalabas nito sa mga pagkakataong may emerhensiyang medikal, pati na rin ang isang insurance system para sa mga opisyal at manggagawa ng barangay.
Bagama’t may ilang lokal na pamahalaan ang nagbibigay ng benepisyo sa mga opisyal ng barangay at mga manggagawa, sinabi ni Abalos na karamihan sa mga LGU ay hindi ito kayang gawin dahil sa kakulangan sa pondo.
“Ang gusto nating tiyakin ay magkaroon ng equal access to medical funds, insurance system at iba pang benefits para sa ating mga barangay officials, barangay tanod, health workers at iba pa,” pahayag ni Abalos.
Huwag naman sana. Ang alin? Ang may mangyari sa mga opisyal/tanod natin habang naglilingkod para lamang makuha ang mga benepisyo pero, ano pa man maganda ang nais ni Abalos para sa mga bayani natin sa barangay – hindi na sila mangangapa sa kung sino ang lalapitan para tumulong sa kanila dahil maisasabatas na ang lahat ang para sa kanilang benepisyo.