Advertisers
NAGPAHAYAG si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng taos-pusong pasasalamat at pagkilala sa lahat ng manggagawang Pilipino, na aniya’y tunay na haligi ng pag-unlad ng bansa.
Sa kanyang mensahe para sa Labor Day, binigyang-diin ni PBBM na ang paggawa ay hindi lamang para sa pansariling kapakanan kundi isang dakilang ambag sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon sa Chief Executive, sa bawat araw na ang manggagawang Pilipino ay kumakayod para sa sarili at pamilya, naroroon ang diwang handog para sa ikabubuti ng higit na nakararami.
Ipinanawagan din ng Pangulo na gawing pagkakataon ang pagdiriwang na ito upang makabuo ng mga konkretong hakbang na tutugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa, kabilang na rito ang kaligtasan sa lugar ng trabaho, karapatang pantao, at patas na oportunidad para sa maayos na kinabukasan.
Dagdag pa niya, ang mga polisiya ng pamahalaan ay dapat sumasalamin sa paniniwalang ang tunay na yaman ng bayan ay nasusukat hindi sa kita kundi sa dangal ng bawat Pilipinong nagsusumikap.
Ibinida rin ng Presidente na ang pamahalaan ay hindi lamang tagapagmasid sa pag-unlad, kundi aktibong katuwang ng sambayanan sa paglikha ng Bagong Pilipinas kung saan ang lipunan ay patas at makatarungan.
Kasabay nito, tiniyak ni Pangulong Marcos sa labor sector na patuloy ang pamahalaan sa pagtataguyod ng mga programang tutugon sa kanilang kapakanan, hindi lamang bilang tungkulin kundi bilang pagpapakita ng tunay na pagkilala at pasasalamat sa kanilang mahalagang papel sa lipunan. (Gilbert Perdez)