Advertisers

Advertisers

TODA sa Taguig, ibinunyag ang vote-buying

0 22

Advertisers

ISANG grupo ng tricycle drivers mula sa Taguig ang nagsumite ng ulat sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng umano’y pamimili ng boto na naganap sa isang pagtitipon sa Barangay Comembo noong Mayo 2, 2025. Sa gitna umano ng aktibidad ay lumitaw ang pangalan ni Lino Edgardo S. Cayetano, na tumatakbong kongresista.

Sa kanilang mga salaysay, sinabi ng mga drayber—na kabilang sa iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA)—na nilapitan sila ng dalawang babae na naka-puting damit at may suot na ID. Inimbitahan umano sila upang tumanggap ng tig-10 kilong bigas.

Dinala sila sa isang garahe sa Kamagong Street, sa tapat ng covered court ng Comembo, kung saan ginanap ang isang programa na dinaluhan ng mahigit 70 tricycle driver mula sa iba’t ibang TODA. Ayon sa ulat, kapansin-pansin sa lugar ang mga pulang tarpaulin na may pangalan ni Lino Cayetano, at bago ang pamimigay ng ayuda ay may nagtanghal pa ng awit.



Ikinuwento rin ng mga drayber na pinuri sila ng host bilang mga “bayani” ng lungsod at binigyang-diin na pinahahalagahan ni Cayetano ang kanilang serbisyo—na tila paalala na hindi sila nakakalimutan. Bawat isa ay binigyan ng 10-kilong sako ng bigas na nakaimpake sa itim na eco-bag na may tatak na “BIDA TAYO.”

Binanggit sa reklamo ang COMELEC Resolution No. 11104, Section 26, na nagbabawal sa pamimigay ng anumang uri ng tulong na may pangalan, larawan, o simbolo ng isang kandidato, kaanak, tauhan, o tagasuporta sa panahon ng kampanya. Ayon sa batas, ang ganitong mga kilos ay itinuturing na uri ng pamimili ng boto.

Nanawagan ang mga tricycle driver sa COMELEC na agad imbestigahan ang insidente at magpatupad ng karampatang aksyon sa harap ng posibleng paglabag sa batas ng halalan.