Advertisers

Advertisers

OPERATOR NG BISYO AT BURIKI, PASOK SA ELECTION FUND SA TIAONG!

0 1,228

Advertisers

NANININDIGAN ang mga ilegalista lalo na ang mga operator ng mga tradisyunal na peryahan at ang grupo ng mga magnanakaw ng petrolem at oil product na lalong kilala sa tawag na buriki/paihi sa Quezon Province na ipaglalaban ng mga ito na hindi matibag ang kanilang labag sa batas na operasyon pagkat “pasok” sila sa piling opisyales ng Philippine National Police at maging sa ilang government official na kanilang sinusuportahan ng election fund upang matiyak ang pagwawagi ng mga ito sa May 12 election.

Naniniwala naman ang mga mamamayan ni re-electionist Quezon Governor Angelina “Helen” Tan, lalo na ang mga taga bayan ng Tiaong sa ipinangangalandakan ng mga nabanggit na ilegalista pagkat hindi nga kinakanti nina Quezon OIC Provincial Director Col. Ruben Lacuesta at ng kanyang ilang police chief ang operasyon ng maraming pergalan (peryahan na pulos sugalan) at burikian sa naturang lalawigan lalo na ang pinatatakbo ng isang alyas Roy Villanueva alyas Gerry sa Brgy. Lagalag sa bayan ni Tiaong re-electionist Mayor Vincent “RJ” Mea.

Sa mismong lupaing pag-aari ng Philippine Coconut Authority (PCA) nagkukuta ang sampung tao na armado ng matataas na kalibreng baril ang mga magnanakaw na pinamumunuan ni Villanueva, ngunit mistulang bulag, pipi at bingi sina Mayor Mea at ang kanyang police chief sa mga kabalbalang nagaganap mula alas 9:00 ng gabi hanggang madaling araw sa pag-aari ng gobyerno na PCA compound.



Napakatapang at napakalakas ng loob ng grupo ni alyas Villanueva pagkat bukod sa armado ng M-16 rifle at .45 na pistola ay ipinagbabanduhan din nitong “pasok” ang lingguhang 150K na panggastos ng isang mataas na opisyal ng Tiaong Municipal Hall bukod pa sa 50K na ipinakokolekta nito sa kanyang alipores na barangay chairman.

Pinagsikapan nating kontakin si Mayor Mea upang alamin kung sino ang tinutukoy nina alyas Villanueva na kanilang protektor at sinusuhulan ng libu-libong pondo sa pangangampanya. Gayunman bigo ang inyong lingkod na makontak ang butihing alkalde.

Si alyas Villanueva na nagmamalaki ding miyembro ng isang maimpluwensyang sekta ng relihiyon ay nagyayabang pang may parating din siyang 150K weekly sa isa niyang “kapatid” na mataas na opisyal ng Quezon PNP.

Higit na nakadidismaya ay pumupustora pa itong “kapustahan” (police tong collector) para din sa kanyang “kapatid” na police officer.

Super bagyo ang lakas nitong si alyas Villanueva sa naturang police official pagkat benendisyunan din kuno ito ng kanyang “kapatid” na PNP official upang siya na mismo ang magbigay ng “go signal” para makapag operate ng ibat ibang illegal activities sa Tiaong at iba pang mga bayan at siyudad ng naturang lalawigan.



Kaya pala ratsada din sa bayan ni Mayor Mea ang pergalan na front ng sugal at tiangge ng shabu sa Brgy. Talisay ng isang alyas Boy No Good Life at dyowa na si Eve ay nakatimbre ito kay Villanueva.

Hindi lamang ang pergalan nina alyas Boy No Good Life at Eve ang inireklamo ng mga residente ng Tiaong kundi maging ang mga pasugalan ng isang alyas Madam Norma sa Brgy. Lumingon.

Kabilang din sa nabasbasan ni alyas Roy Villanueva upang malayang makapag-operate ng ilegal na pasugalan ay ang pergalan ng isang Francia sa mga bayan ng Agdangan at San Antonio at ang paihi/buriki ng magkasosyong Sammy at Francis sa Brgy. San Luis 1 at San Luis II sa bayan ng Guinyangan at maraming iba pa.

Marami pang mga inirereklamong kailegalan sa naturang probinsya ngunit tila “nagtataingang kawali” na ang unopposed sa halalan na si Gov. Tan at ang kampanteng di masisibak sa pwestong si PD Col. Lacuesta? May karugtong…

***

Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144