Pres.Corazon Aquino Hospital sa Baseck, isang kaso ng ‘back job’
Advertisers
“HALOS baguhin na po natin ang buong floor plan ng ospital para lang matiyak na ligtas, kumpleto at pasado ito lahat ng pamantayan ng DOH. Naglaan na rin tayo ng P50 milyon, hindi galing sa utang, para tustusan ang pag-ayos ng mga depekto nito.”
Ito ang bagay na ikinalulungkot ni Manila Mayor Honey Lacuna, matapos niyang ianunsyo na ang maraming depekto ng President Corazon Aquino Hospital (CAH) sa Baseco ay ginagawan na ng paraan, simula pa nang ito ay hindi binigyan ng license to operate ng Department of Health (DOH).
Matatandaan na ang nasabing ospital ay sinimulan ng nakaraang administrasyon at talunang kandidato sa pagka-presidente na si Isko Moreno. Pero nang si Lacuna na ang mayor, napag-alaman na ang CAH ay hindi pumasa sa itinakdang standards ng DOH at hindi rin ito puwedeng mag-operate dahil ‘di ito binigyan ng lisensya ng kagawaran.
“Simple lang po.. hindi ito pumasa sa standards ng DOH. Maraming kulang at mali na parang hindi ito dumaan sa malalim na pagsusuri dahil nga minadali. Sayang ang unang inilaan na pondo dahil hindi maayos ang pagkakagawa,” sabi ni Lacuna.
Sa kasalukuyan, sinabi ng alkalde na ginagawan na na paraan ang substandard features ng nasabing pagamutan upang maging compliant ito sa DOH standards at mapakinabangan.
Ilan po sa mga nirepaso at inaprubahan ng DOH ay ang mga sumusunod:
– Paglalagay ng sliding doors para sa equipment storage, isolation room, at mga ward;
– Pagdagdag ng toilet facilities sa ER, Male Ward, at Medical Ward;- Pagpapaluwag ng mga kwarto — gaya ng pagbabawas ng bilang ng kama sa bawat ward para masunod ang minimum na 7.43 sq.m. kada kama;- Pagpapalapad ng pintuan (1.2m) para sa operating room (OR), delivery room (DR), at recovery room;
– Pagpapalit ng Operating Room bilang Recovery Room at paglilipat ng Delivery Room;
– Pagbuo ng mga bagong bahagi tulad ng Central Sterilization Room, Dietary Room, at Storage Rooms;
– Paglalagay ng mga lababo sa ultrasound room, OB-Gyne, ER, Radiology, at iba’t ibang ward;
– Pag-alis at paglipat ng mga pader, nurse station, at existing toilets sa iba’t ibang bahagi ng ospital;- Pagsasaayos ng OPD Records Room, Central Laboratory, at pagkakabit ng canopy sa OPD entrance
“Bilang isang doktor, hindi ko po kayang ipagsapalaran ang kalusugan ng mga Manileño sa isang ospital na hindi pasado sa DOH. Dapat ligtas, kumpleto, at maayos ang pasilidad bago ito magbukas,” saad ng lady mayor.
Idinagdag pa nito na: “Hindi po sapat na may pasilidad lang. Kailangan ito ay akma, ligtas, at may kalidad. Hindi po pwedeng pwede na. ” (ANDI GARCIA)