Advertisers

Advertisers

Win or loose tuloy ang paghahain namin ng kaso vs Mayor Vico Sotto!

0 20

Advertisers

Tahasang inihayag nina Pasig City Councilor Aspirant Independent Candidate Dist 2 Bobby Hapin at Dist 1 Ram Cruz na manalot matalo sa kanilang laban ay tuloy ang pagsasampa nila ng kaso laban kay Mayor Vico Sotto sa tanggapan ng Ombudsman.

Sa ngayon ay kasalukuyan na nilang iniipon ang mga karampatang dokumento upang pormal na sampahan ng kaso sa Ombudsman ang Alkalde ng Malversation of Public Funds.

Isiniwalat nina Hapin at Cruz na kilalang panatiko at dating mga kaalyado ni Pasig City Mayor Sotto ang isang anomalya na nangyayari sa Pasig City Children’s Hospital (PCCH) o mas kilala sa tawag na Child’s Hope.



Sa isang press conference, mga Ka Usapang HAUZ sinabi ni Ram Cruz at Bobby Hapin na milyon-milyong piso umano ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa kayabangan at ‘pagpapapogi” ng mga city officials sa pangunguna ni Sotto.

Ayon kay Cruz, dating acting chairman ng Brgy. Bambang at tumatakbo ngayong city councilor, na mula sa isang children’s hospital, nagpasa ng isang city ordinance ang Sangguniang Panlungsod noong Disyembre 15, 2022 upang ito ay maging general hospital na.

Ibig sabihin, ayon pa kay Cruz, ay na maliban sa mga bata, tatanggap na rin ng mga adultong pasyenteng Pasigueño ang nasabing ospital.

Sinabi naman ni Hapin, dating kagawad at tumatakbong kosehal,na malaki aniyang tulong noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ang nasabing children’s hospital ay kinonvert upang maging COVID-19 facility noong Marso 25, 2020.

Idinagdag pa ni Hapin na maganda rin umano ang naisip ng lokal na pamahalaan na conversion mula Level 2 specialty hospital ay ginawa na itong Level 2 general hospital at malaking bagay aniya ito dahil siksikan na sa Pasig City General Hospital (PCGH).



Ngunit ang problema, ayon kay Hapin ay na taliwas umano ang ipinalalabas ni Sotto at iba pang konsehal batay sa aktuwal na nangyayari dahil may natuklasan umano sila na sa buong taon ng 2023 umabot sa halos 10 milyong piso ang PhilHealth billing na DENIED ng ahensiya dahil ayon sa mga dokumento, hindi pa umano sila aprubado bilang isang general hospital.

“Ang ipinagtataka ko, batay sa City Ordinance No. 49 Series of 2022 paragraph 5, nakasaad doon na inaprubahan at inisyuhan na umano ng Certificate of Need na may petsang Agosto 26, 2022 ang kanilang aplikasyon ngunit bakit DENIED ang PhilHealth claims ng ospital?” ang tanong ni Hapin?

Sinigundahan naman ito ni Cruz at sinabing bakit tanggap na ng tanggap ng mga adult patients samantalang hindi pa pala ito aprubado ng kaukulang national agencies.

“Ang masaklap pa rito, kung DENIED na noon pa lamang 2023 ang PhilHealth claims, bakit tanggap pa rin ng tanggap at bill pa rin ng bill na alam naman nilang made-DENY pa rin ito dahil ayon sa aming pagkakaalam, hanggang ngayong 2025 ay ganun pa rin ang nangyayari?” tanong din ni Cruz.

Pinatutsadahan naman ni Hapin ang kasalukuyang administrasyon na ipinagmamalaki na umano ng mga ito sa kanilang mga pahayag at isinasama na rin nila sa kanilang pangangampaniya ngunit ang totoo aniya ay lantarang pagsisinungaling at panloloko sa mga Pasigueño ang bagay na ito.

“Sino ang magbabayad ng mga DENIED claims sa PhiHealth, natural mga Pasigueño na walang kaalam- alam na dahil sa kapabayaan ba ito o kapangahasan ng ating mga lokal afficials ay milyon-milyon ang nababawas sa kabang-yaman ng ating lungsod bawat taon,” dagdag pa ni Hapin.

Hinamon naman ni Cruz si Sotto na batay sa ipinangangalandakan nitong good governance at transparency, ilabas umano nito at sabihin sa mga Pasigueño kung magkano na ang nasayang na pera at hindi lang puro FB post at papogi sa social media.

“Kaya ang tanong natin kay Mayor Vico ay ito: “Alin po ba ang mauuna, OPERATION O APPROVAL? Di po ba, dapat totoong approval muna bago kayo mag-operate as general hospital?” hamon ni Cruz.

Hinihintay rin ng dalawang aspirante sa pagka konsehal ang paliwanag ni Mayor Sotto at kung hindi ito magbibigay ng kanyang paliwanag ay nangangahulugan lamang na siya at ang konseho ay nagmalabis sa pondo ng bayan. Sana hindi tutuo mayor Vico.

***

Para sa Inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com o tumawag or mag text sa 09352916036