Advertisers
Ni Archie Liao
HINDI napigilang magpahayag ng kanyang pagkalungkot at pagkadismaya si Jessy Mendiola sa naganap na trahedya sa NAIA Terminal 1 kamakailan.
Katunayan, nagdurugo ang kanyang puso dahil may nadamay pang mga inosenteng tao na namatay dahil sa kapabayaan ng isang reckless driver.
Nagpaalala pa siya na dapat na maging maingat at responsable ang mga nagmamaneho sa pagsunod sa mga batas tungkol sa kaligtasan sa kalsada.
“Let this be a lesson to be more careful and responsible when you are behind the wheel. And maybe, this is a sign that we need to fix/change our airport. I believe that the driver is at fault, but let’s not deny the fact that our airport needs some changing,” aniya.
Sinabi rin niya na dapat na maging wake up call ang nasabing insidente para i-improve ang mga pasilidad sa ating mga paliparan.
“Tumanda na ako, ganyan pa rin ang NAIA, baka naman — pwede na rin natin pagtuunan ng pansin na baguhin at pagandahin ang ating airport. Imbis na masaya ka, magbabakasyon o lilipad, may takot na sa pagpasok pa lang ng airport,” himutok niya.
Nanawagan din siya na panahon na para maging mahigpit ang mga ahensiyang tulad ng LTO sa pag-iisyu ng lisensiya sa mga driver para na rin sa kapakanan ng publiko.
“And hopefully, we become more stricter when it comes to granting licenses. So many road accidents lately, it is time to implement stricter regulations to keep our families safe,”pahabol niya.
Matatandaang kamakailan lang ay sumalpok ang isang black sports utility vehicle (SUV) sa outer railing ng walkway patungo sa entrance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na ikinasawi ng dalawang katao kasama na ang walang muwang na 4 year old girl.