Advertisers
Pihadong dadami ang mag-aambisyong maging serbisyo publiko kung maisasabatas ang panukalang batas na inihain ni Senador Manny Pacquiao. Dahil gusto ng “pambansang kamao” na maging regular na empleyado ng gobyerno ang lahat ng nagseserbisyo sa barangay.
Kamakailan nga nang inihain niya ang kanyang Senate Bill 1956 o Barangay Officials Salary Standardization Act of 2020, sa isang talumpati o privilege speech sa senado, ipinaliwanag ni Pacquiao na dapat ng gawaran ng regular employment ang lahat ng baranagay officials, workers at volunteers.
Sa kanyang panukalang batas, inilahad din ng senador na may kaakibat pa itong pamantayan ng sweldo at iba pang mga benepisyo na isinasaad ng mga dati ng batas, kautusan at mga panuntunan ukol sa mga opisyal ng barangay, kawani at mga volunteers.
Aniya, ang mga ito ay dapat na tumanggap ng buwanang sahod, mga allowance at insurance, medical at dental coverage, retirement benefits at iba pang benepisyo sa ilalim ng Civil Service Laws, at iba pang pamantayan ukol sa kawani ng pamahalaan.
May tatlong grado ng pasahod ang batas ni Pacquiao. P15,000 bilang Salary Grade 1 para sa mga appointive position o mga tinalagang posisyon na sinusuportahan ng ordinansa ng barangay; P25,000 bilang Salary Grade 2 para sa mga naihalal na posisyon gaya ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay at Kabataan, di kabilang ang Punong Barangay; at P35,000 bilang Salary Grade 3 para sa mga Barangay Chairman.
Bilang regular na empleyado ng pamahalaan, ang mga barangay opisyal at mga tauhan nito, ayon kay Pacquiao ay kailangan din tumanggap ng 13th month pay, at Christmas Bonus na P3,000 at iba pang bonus sa ilalim ng mga batas.
Bukod dito nais din bigyan ni Pacquiao ang mga opisyal ng barangay ng Special Risk Allowance (SRA) na ang halaga ay tutukuyin ng Department of Interior and Local Goverment (DILG).
Kasama rin sa panukalang batas ni Pacquiao ang regular na pamimigay ng rice allowance at iba pang special na allowance sa ilalim ng mga lokal na batas.
Sa ganyang mga benepisyo, pihadong sisipag ang mga barangay opisyal natin, maging ang pinaka-maliit na posisyon sa barangay ay tutupad sa mga alituntunin at mga gawain nito.
Para kay Sen. Pacquiao ang mga opisyal barangay kadalasan ay pinupuri lamang sa mga pananalita, ngunit hindi sa praktikalidad. Kaya inihain niya ang panukalang batas upang maiangat naman ang antas at kalagayan ng ating mga opisyal ng barangay sa pamamagitan ng regularisasyon, at pamantayan ng sahod at mga espesyal na allowance sa mga mapanganib na sitwasyon gaya ng mga sakuna at kalamidad.
“Alalahanin natin – na ang malakas na barangay ay malakas na bansa,” iginiit pa ng senador sa kanyang talumpati.
Sa paghahain ng panukalang batas o Senate Bill 1956, na maaari ring tawagin Barangay Officials Salary Standardization Act of 2020, tinuran ni Senador Pacquiao na kung ang ibang frontliners gaya ng mga nasa sektor ng kalusugan at seguridad ay palagiang umaani ng papuri sa kanilang pagganap ng kanilang mga tungkulin sa gitna ng pandemiya, ang mga opisyal ng barangay at iba pang tauhan nito ay hindi man lamang nabibigyan ng pansin, bagkus ay napupulaan pa.
“Lahat tayo ay naging saksi sa walang pagiimbot na pagtupad ng tungkulin ng ating mga opisyal ng barangay at iba pa nitong mga tauhan. Napakalaki ng tulong nila lalo na sa panahon ng pandemiya. Sila ang ating kasangga sa pagtulong sa ating mga kababayan,” ang paliwanag ni Sen. Pacquiao, sa kanyang talumpati nang ihain ang kanyang panukalang batas.
“Sa kabila ng panganib sa sarili nilang kalusugan, tumutulong ang mga taga-barangay na mamonitor at hanapin ang mga may seryosong kaso ng Covid-19 sa kani-kanilang mga lugar, at ihatid pa ang mga ito sa mga ospital o quarantine facilities,” paliwanag pa ng senador.
Mabuhay ka Senador, my MISTAH and Bok, Manny!