Advertisers

Advertisers

Upak kay Isko, paninira, kasinungalingan!

0 22

Advertisers

NAKU dios por santo, akala natin, malinis na kampanyahan ang ipinangako ng kabilang bakod, pero hindi maaasahan ang kanilang salita, yes, walang palabra de honor, no word of honor.

Kung di-mapâgkakatiwalaan ang mga salita, hehehe, nakatatakot sila pag kumilos, pag gumawa!

Eto ang sampol ng paninira nila kay former Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso — na ibinenta raw nang ilegal ang ilang Manila assets.



Teka, sino ba ang vice mayor noon, di po ba si Doktora Mayora Honey Lacuna, kasama ang mga konsehal, tulad ng vice mayor ngayon na si Yul Servo.

May authorization iyon, may kapangyarihang iginawad ang Manila Sangguniang Panlungsod kay Yorme Isko na maibenta ang properties na iyon, kasi kailangan, at hindi kapritso lamang, gaya ng ibig palabasin nina Lacuna-Servo at mga kapwa tirador ng Maynila.

Mapanira, malisyoso ang mga paratang, at itinatago ang mga tunay na dahilan kaya nangyari ang pagbenta ng ilang propriedad ng siyudad.

Alam ni Honey kung saan ginastos, ginamit iyon sa pagbili ng mga bakuna, gamot, pagpapabuti ng mga pasilidad ng health center, ospital etc., at maging ang ibang hindi taga-Maynila, tinulungan.

Noong kabagsikan ng pandemyang COVID-19, halos lugmok ang kaban ng cityhall, at kailangang mabilis na umaksiyon si Yorme upang iligtas sa kagutuman ang mahihirap na pamilya; agad-agad na aksiyon kontra COVID kaya ginamit ang pera sa pagbili ng mga bakuna atbp.



Kung pîkon o onion-skinned si Isko, ay naku, katakot-takot na demandang libel, cyberlibel, oral defamation ang inabot ng mga mapanirang anay na nagkakalat ng kasinungalingan at kasiraan laban sa ngayon ay sigurado nang babalik sa cityhall ng Maynila.

Ilang araw na lamang, mayor na uli si Isko, matapos ang Mayo 12.

Paano mapipikon si Yorme e patuloy ang mataas na resulta ng mga survey na paniguradong landslide victory ang inaasahan ng Yorme”s Choice, kasama sa mananalo ay ang maganda, masipag at matalinong si Vice Mayor Chi Atienza.

Sabi nga ni Yorme Isko, kakulong-kulong yung sinasabing mga birada ng mga kalaban niya.

“Libelous ho yun. Binenta ko daw yung City College of Manila o Universidad de Manila (UDM), eh andyan yung UDM oh nasa Lawton tsaka yung extension namin sa Sta. Cruz, hindi ba kadema-demanda yun?” sabi ni Yorme.

Manila City Hall pa rin ang nagpapatakbo ng UDM, at kasinungalingan po ang ikinakalat na ibinenta ni Yorme ang Quinta Market.

Ang palengkeng Quinta Market ay nasa ilalim ngayon ng Joint Venture Agreement noong pang 2017 at ang mga vendor ang nagpapatakbo — sa ilalim ng supervision ng Manila City Government.

Mga Batang Maynila, hayan ang napakalinaw: paninira lamang ang mga paratang, kung sa boxing, foul, aba, binabayagan na nila si Yorme para malito, maloko nila ang mga botante.

Hoy, aminin mo, Dra Honey, hanggang ngayon, Manila city government pa rin ang nagpapatakbo ng Quinta Market para matauhan ‘yang Sam Volero.

Palpak ang paratang kay Yorme at talagang panloloko, pambubudol na ang ginagawa ng mga katunggali niya sa politika, kasi kung sa pasyente, nasa ICU na sila, nasa matinding coma, at paggising nila, mayor na uli si Isko Moreno Domagoso.

Linawin uli natin: may Ordinansa ang City Council noon sa pamumuno ni VM Honey na pinayagan, inutusan si Yorme Isko na humanap ng paraan upang matugunan ang krisis na dala ng COVID 19 at banta ng kagutuman.

Nagbenta, opo, pero may OK ang Sanggunian, may basbas ni Honey, na ang kinita sa pagbenta ay ginamit upanga mailigtas ang Manilenyo sa delubyo ng pandemya, kagutuman at kasabay, ay maisulong pa rin ang paggalaw ng negosyo at trabaho sa siyudad atbp.

Sisihin natin si Yorme Isko kung negatibo ang resulta sa pagbebenta, e hindi po, kay ganda ng mga naging bunga niyon: naitayo ang Tondominium 1 & 2, Binondominium, Basecommunity, In-house vertical housing residences, etc.

Sa loob ng walong (8) buwan, mahigit sa 700K na pamilya at Batang Maynila ang nailigtas sa pagkagutom; nabawasan ang namatay gawa ng pandemya at buhay na buhay ang mga binakunahan ng mga itinurok na gamot kontra-COVID, kahit hindi taga-Maynila at dayo mula sa ibang probinsiya, binakunahan, ginamot, at nailigtas.

Ginamit ang pera sa pagpapaayos ng pasilidad ng mga ospital, naitayo ang Manila COVID-19 Field Hospital sa loob lamang ng 52 na araw; inayos, pinaganda ang mga mga parke, pinailawan ang mga kalsada at nalinis ang sulok-sulok na mabantot, at gumanda ang kalidad ng edukasyon, serbisyong tagos sa puso sa lahat, lalo na sa mga nanay-tatay-lola-lolo-solo parents-PWDs at sektor ng mga dugyot ng Maynila.

Nagpapasalamat kay Yorme (at sa iyo, Doktora Honey) ang Manilenyo dahil mahigit na 700K na pamilya ang pinakain nyo at nailigtas noong pandemya, tapos, imbes na magpasalamat na sabihin ang totoo, nagkakalat kayo ng kabulaanan at perwisyo.

E, dapat nga iyon ay ipinagmamalaki mo, Dra. Mayora, kasi kasali ka sa nagligtas sa buhay at kabuhayan ng mga botante at pamilyang Manilenyo.

Asan ka pa, at ang tulong ni Yorme ay nai-extend pa hanggang sa labas ng Maynila, sa Visayas, Mindanao at maging sa Southern Luzon.

E, dami ngang humanga at nainggit sa nagawa ninyo noon, Doktora Honey, kasi katuwang ka ni Yorme Isko noong pandemya, daming nailligtas sa kagutuman at kawalan ng hanapbuhay.

Kung hindi agad kumilos noon si Isko, e ano ngayon ang Maynila … kayo na ang magsabi, mga botante.

Maparaan si Yorme at naging katulong niya si Honey na vice mayor niya noon, kasama si Yul Servo at mga konsehal at mga kongresista na umuupak kay Isko ngayon.

Saka, hoy, may komite na kasama si Lacuna at iba pa, na nagsuri kung ano-ano ang mga non performing assets ng lungsod na ibinenta — na ang perang kinita ay nagligtas sa buhay, kabuhayan ng Maynila.

Eto ang matinding panloloko ng mga kontra kay Yorme: Klaro, legal at nasa ayos ang bentahan, dumaan sa maayos na proseso.

“Ayon sa Commission on Audit, legal ang bentahan at dumaan ito sa tamang proseso,” sabi ni Isko.

Aba, kung may anomalya sa mga ginawa ni Yorme, ang tanong, bakit eto at magtatatlong taon, wala ni isang kaso ang isinampa sa Ombudsman laban kay Isko?

Kasi nga, walang korapsiyon, kungdi pakinabang at kabuhayan ang naging resulta ng pagbebenta at paggastos sa pinagbentahan — na ang nakinabang ay mamamayan ng Maynila.Pinakinabangan ng taumbayan ang gamot, pagkain, bakuna, at iba pa ang naging bunga ng bentahan.

Tama kasi, legal at pinakinabangan, kaya sabi nga ni Yorme, bakit walang nag-akusa dito ng korapsyon?

Ito siguro ang nakitang positibong dahilan kaya, sa Mayo 12, solidong boto ng Iglesia Ni Cristo ang ibibigay sa Yorme’s Choice.

Sa endorsement ng INC, lalong tumibay ang panalo ng Moreno-Atienza tandem, at iyakan na kasi, sa Hunyo, alsa-balutan na sila at hindi na makababalik ang babaeng mayora sa City Hall.

Yes, babalik na si Yorme kasama si Ate Vice Mayor Chi Atienza at kayong mga tolongges, adik at mga kriminal, lumayas na kayo ngayon din, dahil kayo ang unang lilinisin ng bagong gobyerno ng Maynila.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.