Advertisers

Advertisers

OSPITAL SA BASECO NATENGGA, DAHIL SA PALPAK NA PAGKAKAGAWA SA PANAHON NI ISKO

0 3,417

Advertisers

Tumataginting na P50 milyon pala ang kinailangang ilaan ng administrasyon ni Mayor Honey Lacuna para lamang ayusin ang mga kakulangan ng President Corazon Aquino Hospital (PCAH) sa Baseco at nang sa ganoon ay mabuksan na ito at mapakinabangan ng mga taga-Maynila sa lalong madaling panahonl

Ang siste kasi, isa ito sa mga proyektong minadali nung administrasyon ni Isko Moreno. Ayoko man isipin, pero mukhang tama ang sinasabi ng marami na kaya halos sabay-sabay ang proyekto nang mga panahong iyon ay para may mailagay sa polyetos o campaign material dahil plano pala nitong tumakbo sa pagka-Presidente.

Okay lang sana kung maayos ang pagkakagawa. Ang problema, depektibo na, nabaon pa sa utang ang Maynila.



Ang matindi pa, ginagamit ito ngayon ni Isko laban kay Mayor Honey. Binabatikos niya na hanggang ngayon daw mula nang matalo siya sa pagka-Pangulo ng bansa ay di pa nabubuksan ang nasabing ospital, na para bang kasalanan ni Mayor Honey.

Eh sa totoo lang, kaya hindi mabuksan ang PCAH ay dahil hindi ito binigyan ng lisensiya ng Department of Health para makapagbukas na at mag-operate.

Bakit? Ang pagkakagawa daw kasi ng nasabing ospital ay hindi alinsunod sa mga regulasyon at standards na itinakda ng DOH.

Ang masaklap, ayon kay Mayor Honey, ay halos baguhin na nila ang buong floor plan ng ospital para lang matiyak na ligtas, kumpleto at pasado ito lahat ng pamantayan ng DOH. Naglaan na rin ang kasalukuyang pamahalaang-lungsod ng P50 milyon para tustusan ang pag-ayos ng mga depekto ng ospital. Hindi daw galing sa utang ‘yung P50 million ha.

Sabi nga ni Mayor Honey: “Simple lang po.. hindi ito pumasa sa standards ng DOH. Maraming kulang at mali na parang hindi ito dumaan sa malalim na pagsusuri dahil nga minadali. Sayang ang unang inilaan na pondo dahil hindi maayos ang pagkakagawa.”



Kasama si Baseco Hospital chief Dr. Edwin Perez ay personal na ininspeksyon ni Mayor Honey ang naturang ospital para alamin ang mga dapat na ayusin para makakuha na ito ng kinakailangang ‘license to operate’ mula sa DOH.

Narito ang ilan lang naman sa mga nirepaso at inaprubahan ng DOH: Paglalagay ng sliding doors para sa equipment storage, isolation room, at mga ward; Pagdagdag ng toilet facilities sa ER, Male Ward, at Medical Ward; Pagpapaluwag ng mga kwarto, gaya ng pagbabawas ng bilang ng kama sa bawat ward para masunod ang minimum na 7.43 sq.m. kada kama; Pagpapalapad ng pintuan (1.2m) para sa operating room (OR), delivery room (DR), at recovery room;- Pagpapalit ng Operating Room bilang Recovery Room at paglilipat ng Delivery Room; Pagbuo ng mga bagong bahagi tulad ng Central Sterilization Room, Dietary Room, at Storage Rooms; Paglalagay ng mga lababo sa ultrasound room, OB-Gyne, ER, Radiology at iba’t- ibang ward; Pag-alis at paglipat ng mga pader, nurse station, at existing toilets sa iba’t ibang bahagi ng ospital;- Pagsasaayos ng OPD Records Room, Central Laboratory at pagkakabit ng canopy sa OPD entrance.

Doktora si Mayor Honey kaya talagang di nito masisikmura na ang proyekto na napakahalaga gaya ng ospital ay magiging pasa todo lang ang pagkakagawa.

“Bilang isang doktor, hindi ko po kayang ipagsapalaran ang kalusugan ng mga Manileño sa isang ospital na hindi pasado sa DOH. Dapat ligtas, kumpleto, at maayos ang pasilidad bago ito magbukas. Hindi po sapat na may pasilidad lang. Kailangan ito ay akma, ligtas, at may kalidad. Hindi po pwedeng pwede na,” aniya.

Inirereklamo ni Isko na nakatengga ang ospital na pinagawa daw niya. Pero hindi niya binabanggit na kaya ito nakatengga ay dahil nga di binigyan ng lisensiya ng DOH dahil palpak ang pagkakagawa at di pumasa sa standards ng DOH.

Ospital ang pinag-uusapan dito. Maraming buhay ang isasalalay diyan tapos waso-waso ang pagkagawa? Hay naku talaga.