Advertisers

Advertisers

SI TRICKY TSIS AT SENADO BILANG IMPEACHMENT COURT

0 33

Advertisers

MAHIRAP tanggapin na si Tricky Tsis ang magiging presiding officer ng Senado sa sandaling mabuo ito sa ika-30 ng Hulyo bilang hukuman na lilitis kay Misfit Sara. Masyadong tuso at madulas si Tricky Tsis upang pagtiwalaan ng sambayanan sa isang komplikadong isyu. Iba kasi ang sabi ng Saligang Batas sa isyu ng impeachment.

Kapag ang pangulo ng bansa ang nililitis ng Senado kaugnay sa reklamong impeachment, ang Punong Mahistrado ang magiging presiding officer. Nangyari ito ng litisin si Erap Estrada kaugnay sa reklamong impeachment noong 2000. Si Punong Mahistrado Hilario Davide Jr. ang presiding officer ng paglilitis.

Hindi natapos ang paglilitis dahil nangyari ang EDSA Dos na yumanig sa pulitika ng bansa. Nagbitiw si Erap at pumalit si GMA sa timon ng bansa. Biglang nag-iba ang takbo ng pulitika kahit nanatili ang Saligang Batas ng 1987 bilang gabay sa ating pulitika.



Hindi namin kabisado kung ibibigay sa iba ang posisyon ng presiding officer sa paglilitis ni Misfit Sara. Nang litisin noong 2012 si Renato Corona, punong mahistrado, si Juan Ponce Enrile ang presiding officer. Siya kasi ang pangulo ng Senado noon

Natapos ang paglilitis at hinatulan ng Senado si Corona na guilty sa mga paratang sa kanya at tinanggal siya ng Senado bilang punong mahistrado ng Korte Suprema. Hindi na siya naka-recover sa kanyang public career at nasawi kamakailan.

Hindi namin alam kung ano ang magiging alituntunin sa usaping iyan kasi hindi pa nababa ng Senado ang mga alituntunin na gagabay sa institusyon sa sandaling maging hukuman ito na lilitis kay Misfit Sara. Hindi kami magtaka na si Tricky Tsis ang presiding officer kasi walang pahimakas na papalitan siya ng Senado o bibitiwan niya ito.

Makapangyarihan ang presiding officer sa impeachment trial ni Misfit Sara. Taglay niya ang power of recognition sa paglilitis. Hindi maaaring magsalita ang sinuman kung walang pahintulot ang presiding officer. Kontrolado niya ang daloy ng proseso sa Senado bilang hukuman.

May kapangyarihan na supilin at ideklarang hindi dapat magpatuloy ang sinuman sa kanyang diskurso sa Senado sa takdang oras ng paglilitis. Maaari niyang pabilisin o pabagalin ang proseso ng paglilitis batay sa kanyang nais at intensyon. Hindi ordinaryong nilikha ang presiding officer sa paglilitis.



Wala pang inilabas ang Senado tungkol sa paglilitis ni Misfit Sara pero kung pagbabatayan ang Resolution 39, o Rules Procedure na inilabas ng Senado sa paglilitis kay Corona, kailangan magpakita ang presiding officer ng “political neutrality.” Kailangan maging patas siya sa kanyang pag-upo bilang presiding officer.

Kayanin kaya ito ni Tricky Tsis?

Hindi namin nakita ito kasi noong bumagsak ang Articles of Impeachment sa kanyang hapag noong Pebrero kagyat niyang nagbigay ng baluktot na kahulugan sa salita ng Saligang Batas. Iba ang kahulugan niya ng salitang “forthwith” sa Saligang Batas at ang nakakagulat at katawa-tawa, ipinaglaban niya ang baluktot niyang katwiran kahit pinagtatawanan siya ng legal community.

Kahit anong paliwanag, pinaboran niya si Misfit Sara sa isyu. Dito na umusbong ang pananaw na gusto ni Tricky Tsis na maghanda sa 2028. Gusto niya lumutang na kandidato sa 2028. Hindi niya ganap na naipaliwanag ang intensiyon na maging patas sa impeachment process. Ibinito ang sarili na may tagong pakay (hidden agenda) na lumutang ang sarili bilang paghahanda sa 2028. Lalabas ang rules of procedure ng Senado na magiging gabay sa impeachment trial ni Mifit Sara maagang paghandaan na ito.

***

HUWAG maniwala sa mga survey na kung ano-anong polling firm. Maraming pagbabago ang mangyayari sa huling araw ng kampanya. Masyadong fluid ang daloy ng mga kaganapan at walang lapian o grupo ng mga lapian ang may tuwirang kontrol sa daloy ng mga pangyayari. Ganito ang political dynamics ng bansa at maiging sanayin ang sarili sa ganitong galawan.

May mga ilang fearless forecast kami. Hindi mananalo si Imee Marcos at Camille Villars sa halalan. Isinumpa na sila ng iba’t ibang grupong pulitikal. Lulusot sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan at maaring manguna sila. Maaaring madamay ang sinuman kina Heidi Mendoza, Luke Espiritu, at Teddy Casino.

Maaaring mananalo si Bato at Bong Go pero may tanong kung makakasumpa sila at makakabalik sa Senado. Mukhang hindi. Talakayin naming ito sa susunod na linggo. Pero tuloy pa rin ang paghahanda sa impeachment trial