Advertisers

Advertisers

Sen. Tolentino: Suportahan ang community colleges ng LGU

0 4,075

Advertisers

Isa sa mga hindi masyadong napag-uusapang solusyon sa problema ng edukasyon ay ang community colleges na pinapatakbo ng mga lokal na pamahalaan. Simple lang ang ideya: kung hindi makalapit ang estudyante sa kolehiyo, ang kolehiyo ang palapitin sa estudyante.

At ito mismo ang isinusulong ni reelectionist Senator Francis “Tol” Tolentino—na dapat dagdagan ang pondo mula sa national education budget para suportahan ang mga community college ng LGU. Hindi lang ito praktikal, kundi makatao rin.

May punto si Tolentino. Hindi lahat ng kabataan ay kayang bumiyahe o tumira sa mga lungsod para makapag-aral sa kolehiyo. Ang gastos sa pamasahe, tirahan, at pagkain ay dagdag-pasanin para sa mga pamilyang kapos na nga sa kita. Pero kung may kolehiyo na mismo sa bayan nila, mas marami ang magkakaroon ng pagkakataon na makapagtapos.



Hindi ito haka-haka lang. Napatunayan na ito ni Tolentino sa Tagaytay. Bilang dating mayor ng lungsod, pinangunahan niya ang pagtatayo ng City College of Tagaytay—at ngayon ay may mga nurse at iba pang propesyonal nang galing dito. Isa itong ehemplong gumagana.

Bilang senador, hindi rin siya tumigil. Tumulong siya sa Calaca at Laurel sa Batangas, at maging sa Alicia sa Bohol, para makapagtayo ng sariling community college. Ang ganitong klase ng tulong ay hindi maingay, pero ramdam sa mga lokal na komunidad.

Sa halip na puro grand project o puro “build, build, build,” bakit hindi tayo magtulak ng “learn, learn, learn” sa grassroots level?

Kung seryoso tayo sa pag-angat ng edukasyon sa bansa, panahon nang bigyan ng seryosong pondo at pansin ang mga local colleges. Hindi ito pang-retorika lang sa kampanya—ito ay konkretong hakbang na pwedeng simulan ngayon. Tama si Tolentino: kung may kakayahan ang LGU, suportahan natin. Kung wala pa, tulungan nating magkaroon.

Dahil sa dulo, ang edukasyon ay hindi lang para sa may kakayahan. Dapat ito’y abot-kaya at abot-kamay ng lahat.