Advertisers
Muli nating padadakilain ang Maynila!
Ito ang ipinangako ni Isko Moreno Domagoso kasunod ng hindi na mapipigil na muling pag-upo niya bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila — na habang sinusulat ito ay tumatanggap ng pinakamalaking boto mula sa mga Batang Maynila, mga lola, lolo, single parents, PWDs at iba-ibang sektor ng mahihirap na mamamayan.
Sa huling bilang, tumanggap si Yorme Isko ng pinakamataas na botong 559,010, na tumitiyak ng kanyang panalo laban kay incumbent Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan na nakakuha lamang ng 197,059 boto, base yan sa unofficial/official tally ng Comelec, alas 5:02 ng Martes ng umaga.
Sa isang video, makikita si Isko na sinasabi na siya ay gulat na gulat sa napakalakas na suporta na tinanggap sa kanyang mga tagasuporta.
Sa panayam ng pahayagang ito, sinabi ni Isko na totoong siya ay nagulat, aniya,”Na-overwhelm kami and shocked. But we really appreciate it. It’s a huge challenge because of the great mandate given to us.”
Lalong ikinagulat ni Yorme ang tiyak na panalo ng kanyang katiket na vice-mayor, Chi-Chi Atienza at maging ang mahigit sa 80 porsiyento ng Yorme’ Choice sa Sangguniang Panlungsod at sa mga distrito ng Maynila.
“Sa huling data, ang sabi ay mahigit sa t 80 percent of our party mates ay nananalo rin, talagang totoong nakagugulat. Una sa lahat, kay Lord God, sa ating mga kasama, kapanalig, isang malaking tagumpay ito, at sa ating pagbabalik, muli nating padadakilain ang minamahal nating Maynila,” sabi ng nakangiting si Yorme Isko.
Sa huling balita, tinanggap na ni Sam Verzosa ang panalo ni Yorme Isko.
Sa huling araw ng kampanya, nag-warning na si Moreno sa mga tolongges at mga korap at siga-siga sa Maynila.
“Magbago na kayo, mga tolongges, yung mga nagpapahirap sa mamamayan, sa pagbalik ko, na mangyayari, sa nararapat na lugar kayo nararapat na maitambak,” sabi ni Moreno.
Ang siguradong panalo ni Yorme, 50-anyos, laban kay Lacuna 59-anyos, ay unang naipakita sa maraming survey bago mag-eleksiyon.
Laging nasa Top One si Isko na malayong nakabuntot sina Lacuna at Verzosa na sa isang post sa social media ay sinabing maluwag sa puso niya na tanggapin ang pasiya ng mamamayan ng Maynila.
Sa huling araw ng kampanya, tumanggap ng maraming paninira si Yorme Isko at paratang na korapsiyon sa pagbebenta ng mga ari-arian ng Maynila.
Sa malaking bulto ng mga botong tinatanggap ni Isko, pati si Atienza — bunsong anak ni dating Manila Mayor Lito Atienza — ay nagpapatunay na hindi naniniwala ang Manilenyo sa paninira at black propaganda laban sa ating alkalde.
“Walang nagutom na pamilya (noong pandemya), ginawa ko lamang ang dapat gawin ng isang ama para masiguro na hindi magugutom at maililigtas sa sakit ang kanyang mga anak. Ito ang tungkulin ko bilang Ama ng lungsod,” sabi ni Isko sa isang rally sa Tundo.
Sinabi ni Yorme na sa unang araw niya sa cityhall, lilinisin niya ang gobyerno ng lungsod, at sisibakin ang mga opisyal at kawani na nagbigay ng pasakit at paghihirap sa mamamayan.
“Ibabalik po natin ang totoong gobyerno na nawala, ating lilinisin ang bawat sulok ng Maynila, aalisin natin ang mga dugyot, pababanguhin uli natin ang Maynila at ang mga mamamayan ay muli nating bibigyan ng kapanatagan sa araw, sa tanghali, sa gabi, sa madaling araw at ipararamdam natin na may gobyerno ang Maynila na magkukupkop sa lahat ng mamamayan,” pangako ni Yorme Isko.
Sinusulat ito, wala pang opisyal na pahayag si Lacuna sa napipintong pag-aalsa balutan niya sa Manila City Hall.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.