Advertisers
The people has spoken!
Nagsalita na ang makapangyarihang taumbayan, at ito ay dapat na igalang ng lahat, at ang tamang landas na dapat hakbangIn ngayong natapos na ang eleksiyon ay ang pagkakaisa, at ang pagsisikap na gamutin, paghilumin ang masasakit na sugat na nalikha sa nakaraang mainit na kampanyahan.
Ito ang unang hakbang na gagawin ni Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso, matapos na siya at si Vice Mayor-elect Chi Atienza ay pormal na idineklarang nanalo sa napakainit na tunggaliang politika sa Maynila.
Sa panayam ng mamamahayag, matapos na bigkasin ang maraming pasasalamat sa mamamayang Manilenyo na nagtiwala sa kanya, nanawagan si Yorme Isko ng pakikipagkasundo sa mga nakaalitan sa politika.
Tama at napakaganda ng panawagang ito ni Yorme, tinutupad niya ang kasabihang maging mapagkumbaba sa panahon ng tagumpay at isuko ang pagmamataas sa paggapi sa kaaway.
Sabi nga: Be magnanimous in victory.
“Wag hiyain ang nagapi, sa halip ay iabot ang kamay ng pagkakaisa, at aaminin ko, ikinatuwa ko ito nang sabihin ni Isko na isa sa unang gagawin niya ay iabot ang kanyang kamay ng pakikipagkaisa kay Mayora Honey Lacuna at kay Sam Verzosa na nauna nang nagsabi na tinatanggap nila nang maluwag sa kalooban ang pagkatalo sa eleksiyon.
Sinasang-ayunan ng pitak na ito ang panawagan ni Yorme Isko ng pagkakaisa, at ang ;pagnanais niya na muling mabuo ang magkakasalungat na pananaw na humati sa mga mamamayan ng Maynila dahil sa batikusan na nangyari nitong nakalipas na mga linggo ng kampanyahan.
Saksi at kalahok po ang inyong lingkod sa “digmaan” ng ang napakainit na pagtatalo sa mga rally, kampanyahan, lalo na ang batikusan sa mga pahayagan, radyo at telebisyon, lalo na sa social media.
Alam ni Yorme na dahil sa politika, sila ng kanyang itinuturing na Ate Honey ay nahati ang pagtitiwala sa isa’t isa, at kadamay rito ang kanilang mga kaibigan, katrabaho, kapamilya, ay maraming nasirang pagkakaibigan, ang matamis na samahan ay umasim sa mga nabuong hidwaan dahil sa pagsuporta sa kani-kaniyang napupusuang nais na maihalal.
Kakatwa naman, na ang bawat kampo ng politika ay laging isinisigaw ay pagkakaisa at paghahain ng mga programa at proyekto na ang naisin ay magbigay ng ginhawa, at magpanukala at solusyonan ang mga problema ng mamamayan.
Inamin ni Yorme na siya at mga kasama sa nakaraang kampanyahan ay nakapagsalita ng masasakit na ang naging bunga ng kampanya ay pagtatalo at paghihiwalay ng mga magkakapamilya, magkakasama pero ngayon na nagsalita na ang taumbayan, ito ngayon ay panahon ng panawagan sa kapayapaan, pagkakaisa at paghihilom ng mga sugt na nalikha ng alitan sa politika.
Sa pagharap sa media, sinabi ni Yorme Isko na sa pagbabalik sa cityhall, aayusin niya ang operasyon ng lahat ng opisina at departamento ng pamahalaang lokal, ito, sabi niya ay upang maituon ang pansin sa paglutas sa mga problema at makapagbigay ng mabilis at mahusay na serbisyo sa mamamayang Manilenyo.
Aminado si Isko na hindi madali ang pagkakasundo at ang pagkakamit ng pagkakaisa, pero gagawin niya ang lahat upang matupad ang mga ipinangako sa panahon ng kampanya na solusyon sa kahirapan, at ipagpatuloy ang mga proyektong mag-aangat sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.
Sabi ni Yorme, yung nagawa niya noong unang termino niya sa cityhall ay gagawin niyang muli: trabaho, pabahay, infraestruktura, edukasyon, kalusugan, at matinong serbisyo sa lahat ng Batang Maynila at Manilenyo.
Bibigyan niya uli ng matino at kumikilos na gobyerno ang Maynila.
Ngayon na tapos na ang eleksiyon, ang totoong labanan ay ipakita sa Manilenyo ang mabilis na kilos upang ang hinaing at daing ng mamamayan ay masolusyonan, at maituwid ang mga nakitang mga kamalian, pagkukulang, at ang mga iyon punuan ng totohanang reporma at pagsisikap na mapaginhawa ang taumbayan.
Sinabi ni Yorme Isko na ang totoong labanan matapos ang eleksiyon ay kung paano pagkakaisahin ang bayan, lalo na at nahaharap ang bansa sa maraming problema dala ng inflation, mataas na presyo ng bilihin, kapos na serbisyo, at ang pagtutuwid sa mga nakitang pagkakamali.
Sabi nga ni Isko, ang kapakanan ng bayan, ng mamamayan, una at higit na mahalaga, kaysa sa politika, at ito ang magiging gabay niya sa bagong mandato na ibinigay sa kanyang ng mamamayan.
Sa ngayon, kung gagamitin niya, sabi ni Yorme Isko ang kapangyarihan dala ng panalo, gagawin niya ay unahin ang kapakananan ng taumbayan.
Gagamitin niya ang bagong tungkulin sa pagbibigkis sa iisang layunin — ang kapanatagan sa buhay ng bawat pamilyang Manilenyo.
Una niya mismong gagawin ay pagkakaisa at pagtutulungan at sana raw, mabigyan siya ng pagkakataon ng lilisang alkalde, si Mayor Honey na makapag-usap sila upang mapaghilom ang mga sugat ng alitang politika.
Sabi nga niya, “pamilya ko si Ate Honey.”
Sana, pakiusap ni Yorme, kapag nabasa ang panawagan niya ng pakikipagkasundo, sila ay makapag-usap, at kapwa mag-abot ng kamay ng pagkakaisa, alang-alang sa kapakanan ng minamahal na mamamayan ng Maynila.
“Tapos na ang eleksyon: Bayan na muna, higit sa lahat,” sabi ni Yorme, at sana ang panawagang ito ni Yorme Isko ay marinig at mangyari na ang paghihilom ng sugat ng politika.
Tutal nga naman,, ang kabutihan at magsilbi nang matapat sa Manilenyo ang kapwa nila nais na mangyari.
Siya, sabi ni Yorme Isko, ay ang Ama ng Lungsod, hindi lamang para sa mga kakampi, higit sa lahat, nais niyang maging totoong Ama sa mga hindi kapanalig.
Mula sa pitak na ito, ipinaabot namin ang aming mainit at may kasiyahang pagbati, at panalangin, na sana matupad ang mga nais na pagbabago sa kapakanan ng mamamayang Manilenyo.
Congratulations sa Yorme’s Choice!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.