Advertisers
Naglabas ng isang bukas na liham para sa mga Manilenyo ang kapatid ni Sam ‘SV’ Verzosa na si Dr. Katrina Verzosa, kaugnay ng kumakalat na posts sa social media ukol sa reklamo diumano ng mga poll watchers na nakukulangan sa ibinayad sa kanila.
Pero inuna nito sa kanyang liham ang pagpapasalamat sa Panginoon at sa lahat ng nagpakita ng pagmamahal at supporta sa kanyang kapatid sa pagtakbo nito bilang mayor ng Maynila.
Nilinaw nito sa nasabing liham ang aniya ay paninira na lumalabas ngayon sa social media patungkol sa mga poll watchers nila nitong nagdaang eleksyon.
Ani Dra. Verzosa, nagsimula silang magbigay ng para sa mga poll watchers May 13, 2025 sa kanilang headquarters sa Sampaloc, Manila, kung saan siya mismo ang saksi at nagbantay sa buong proseso.
Nang dumating umano siya sa headquarters ng 4 p.m. ay nakita niyang maraming tao sa labas pa lang. Kinausap niya ang mga ito at tinanong kung sila ba ay mga leaders at nalaman niya na karamihan sa kanila ay mga individual poll watchers at pinapunta daw sila ng zone leaders sa headquarters.
Pinaliwanag umano niya na maliit lang ang headquarters at hindi kakasya kung lahat ng poll watchers ay magpupunta doon. Pinakita at pinabasa din daw niya sa kanila ang instructions niya sa district heads, kung saan malinaw niyang sinabi na zone leaders ang pupunta sa headquarters para kunin ang para sa mga poll watchers.
Sa kabila ng hindi pagsunod ng ilang leaders ay in-accomodate pa rin daw lahat ng nagpuntang poll watchers at mga leaders.
Ginamit na rin ni Dra. Katrina ang pagkakataon para ipaalam sa lahat na “hindi man po kalakihan ang allowance ng aming mga poll watchers, pero ito ang naging kasunduan namin sa kanila, dahil unang una, alam naman nila na hindi namin kayang tapatan ang offer ng mga kalaban dahil naniniwala tayo na mas higit na nakararami ang mga naniniwala sa aking kapatid, at hindi naririto para lamang sa kapalit na halaga. Ako po mismo ang nakiusap sa bawat poll watchers ng personal para ipaliwanag ito. Sinigurado ko po na malinaw po ito sa lahat. Kaya pawang kasinungalingan lahat ng mga lumalabas na paninira ngayon.”
Ibinunyag na din niya na grabe daw ang ginawang pagsabotahe sa kanila ng kalaban nung araw ng eleksyon, dahil binayaran at tinarget diumano ang ilang mga poll watchers nila.
Ayon sa kanya, “Lahat ng poll watchers na pinasa namin sa Comelec sa Manila High School, nagbackout sa araw mismo ng election. As in zero poll watchers kami dahil diumano binayaran sila ng 5,000 each ng kalaban. Napasugod po ako sa eskwelahan at nakitang walang taong incharge sa command station namin at walang poll watchers. Humingi po ako ng tulong sa mga parallel groups namin na One Cares na nandun sa area, ako mismo nagtype sa gilid ng kalye at nagpaprint para maisama sila sa listahan ng mga poll watchers. Pinasa po namin ung masterlist sa Comelec. 12 na po ng tanghali ng mareceive ung aming Masterlis ”
Dagdag pa niya: “Mabuti po ang intention ng kuya ko sa mga Manilenyo. Gusto lang po niya makatulong sa mga nangangailangan. Pinalaki po kami ng aming mga magulang ng mabuti at may takot sa Diyos…para sa mga naninira sa aking kuya, nakikita naman lahat ng Diyos. Siya na po ang bahala sa inyo.”
Sa huli, ipinagpasa-Diyos na din niya ang hustisya para sa kanyang kuya.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.