Advertisers
MAHIGIT P55 milyong halaga ng mga pekeng luxury bag at sapatos ang nakumpiska ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tatlong lungsod sa Metro Manila.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime B. Santiago (Ret.) , dalawang legal na kumpanya na kumakatawan sa mga luxury brand na Oakley, Gucci at Yves Saint Laurent sa Pilipinas ay humingi ng tulong sa NBI para kumpiskahin ang mga produktong may tatak ng kanilang mga trademark nang walang awtorisasyon.
Sinalakay ng mga operatiba mula sa Intellectual Property Rights Division ng NBI ang tindahan ng AJS Online at Sarigayao Online sa Parañaque noong Mayo 6.
Nasamsam sa raid ang 1,083 piraso ng pekeng produkto ng Oakley na nagkakahalaga ng P3.5 milyon.
Nasamsam din ng NBI ang 1,024 piraso ng mga pekeng produkto ng Gucci at Yves Saint Laurent mula sa apat na tindahan sa Binondo, Maynila, at isang bodega sa Malabon. Tinatayang P51.6 milyon ang halaga ng mga produkto.
Ang mga kasong paglabag sa trademark at hindi patas na kompetisyon, na parehong may parusa sa ilalim ng Republic Act 8293, ang Intellectual Property Code of the Philippines, ay isasampa laban sa mga suspek. (JOJO SADIWA)