Advertisers
NAARESTO ng mga operatiba mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang hindi bababa sa 30 pugante sa ikinasang mga operasyon nitong nagdaang halalan.
Ayon kay CIDG Director, Major General Nicolas Torre III, ang mga personalidad na naaresto ay mga wanted para sa mga kasong rape, sexual abuse, possession of illegal drugs, estafa at qualified theft.
Naaresto ang mga ito sa dalawang araw na operasyon ng yunit simula nitong eleksyon nitong Lunes, Mayo 12.
Sa 30 naaresto, 17 ang nahuli sa Luzon, 8 sa Mindanao at 5 sa Visayas, habang 2 mula sa kabuuang bilang na ito ang most wanted sa Central Visayas at Davao Region na humaharap sa mga kasong may kinalaman sa illegal drugs and statutory rape.
Kasunod nito ay kinomenda ni Torre ang kanilang mga tauhan partikular na ang mga nasa CIDG regional at provincial unit para sa matagumpay na pag-aresto sa mga suspek sa mismong araw ng eleksyon.
Tiniyak din ni Torre na magiging mas mabilis at papanatilihin nila ang matibay na pagpapatupad ng mga batas at mainam na pagkakaisa ng mga operasyon para mahuli ang iba pang pugante sa bansa.