Advertisers
HINDI ko alam kung nakarating na kay Laoag City Mayor Michael Keon ang “show cause order” (SCO) na ibinigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kanya nitong nakalipas na linggo.
Ang SCO ng DILG laban kay Keon ay hinggil sa “posibleng” paglabag nito sa batas tungkol sa COVID – 19, ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya.
Pokaragat na ‘yan!
Napakalayong lungsod ang Laoag, ngunit nakarating sa gusali ng DILG sa kanto ng EDSA at Quezon Avenue sa Quezon City ang naganap umanong “mass gathering” sa pagdiriwang ng pasko sa nasabing lungsod sa Ilocos Norte.
Pokaragat na ‘yan!
Ang selebrasyon ng pasko ay inilunsad daw ni Keon, ayon kay Malaya.
Kaya, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang DILG hinggil sa atraso ni Keon.
Ang SCO na ipinadala sa alkalde ay bahagi ng imbestigasyon.
Ayon kay Malaya: “We received reports that a Christmas Party was organized by the mayor together with other government and barangay officials. Acting on these reports, the Secretary has directed the issuance of the SCO for the mayor to explain if he should be administratively liable for violating health protocols”.
Ngunit, inamin ni Malaya na “while the protocols are admittedly difficult, government officials must lead by example and therefore should be circumspect about calling for gatherings at this time”.
“If the public sees that our government officials themselves are not following the protocols, our campaign loses credibility”, susog pa ng opisyal.
Mukhang matinik ang DILG na matagal-tagal na ring pinamumunuan ni retiradong heneral Eduardo Año dahil ang posibleng paglabag ni Mayor Keon sa batas patungkol sa COVID – 19 ay nahagip ng kagawaran at sinimulan na nga imbestigasyon laban sa alkalde.
Ngunit, hindi bininigyan ng SCO si Governor Jonvic Remulla, samantalang napakaltalamak ng jueteng operation sa maraming lungsod at bayan sa Cavite.
Nakapagtataka namang hindi nahahagip ng tanggapan ni Año ang talamak na jueteng sa Cavite kahit matindi ang COVID – 19 sa lalawigang ito.
Hindi pa ba nakukuha ng intelligence unit ni Año ang impormasyon sa pajueteng nina alyas “John Yap”, alyas “Jun Moriones”, alyas “Caloy Colanding” at alyas “Zalding Combat”?
Pokaragat na ‘yan!
Kahit na sinalakay ng tropa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang rebisahan ng pajueteng nina Yap at Moriones sa General Trial ay galak na galak sina alyas Zallding Combat at alyas Caloy Colanding sa kanilang iligal na negosyo.
Pokaragat na ‘yan!
Ang Laoag ay kabisera ng Ilocos Norte.
Si Keon ay pinsan nina Senadora Imee Marcos at dating Senador Ferdinand Marcos Jr.
Ikatlong opisyal na ng pamahalaan si Keon na ibinalita sa media na lumabag umano sa batas sa COVID – 19, partikular ang tungkol sa mass gathering.
Ang mga nauna ay sina Presidential Spokesman Harry Roque Jr. at Senador Manny Pacquiao.
Inabsuwelto sina Roque at Pacquiao ng Philippine National Police (PNP), ayon sa DILG.
Ayon sa PNP, hindi sina Roque at Pacquiao ang lumabag sa batas kundi ang mamamayang nanood at nakinig sa kanilang magkahiwalay na talumpati sa Bantayan Cebu at Batangas.
Pokaragat na ‘yan!
Minsang napabalitang plano ni Roque na sumali sa eleksyon sa pagkasenador sa 2022.
Mistulang nagdeklarang tatakbo sa pagkapangulo si Pacquiao nang ianunsiyo sa media nitong Disyembre na siya na ang presidente ng Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP – LABAN).
Batay sa kinahinatnan ng imbestigasyon ng PNP laban kina Pacquiao at Roque, posibleng ‘mapawalang – sala’ rin si Mayor Keon.