Advertisers
Nakakatuwa ang balita na 85 percent ang ibinaba ng bilang ng mga sakuna galing sa mga paputok sa pagpasok ng 2021.
Sa ulat kasi ng Department of Health (DoH) mayroon lamang 49 insidente ng mga nasaktan nang dahil sa paputok sa buong bansa mula noong December 21, 2020 hanggang January 1, 2021, at iisa lamang ang naitalang tinamaan ng ligaw na bala.
Super baba ito kumpara sa 340 insidente ng mga nasaktan dahil sa paputok noong nakaraang taon bago mawala ang 2019, panahon ng wala pang pandemiya dahil sa COVID-19 virus.
Pwede naman pala. Ngunit sa kabila ng pandemiya at palagiang pagbabawal sa paggamit ng paputok upang salubungin ang Bagong Taon, marami pa rin sa ating mga kababayan ang di napigilang gumamit ng paputok, kaya naman may naitala pang mga nasaktan pa rin sa pagtatapos ng 2020.
Nakakalungkot di ba? Sa kabila ng pagsusumikap ng nasuynal at lokal na pamahalaan na nakikiusap nang tuwina, na huwag nang gumamit ng paputok, may mga nasaktan pa rin.
Kailan kaya tayo matututo? Kailangan pa bang ipagbawal na ng tuluyan o ipatupad na ang “total ban” sa paggamit ng paputok?
Sisigaw na naman ang sektor na gumagawa nito – ‘hindi ito makatarungan.’
Ano ba ang makatarungan sa bagay na ito? Sa hinaba-haba ng panahon, ay lagi tayong sinasalubong ng di magandang balita dahil ang iba nating kababayan ay nasaktan sa pagsalubong ng Bagong Taon ng dahil sa paputok.
Kapabayaan at pagwalang bahala na may dalang panganib ang pagamit ng paputok. Tradisyon, kasama sa pagdiriwang, at kulang ang Bagong Taon ng di mapagpapputok ang Pinoy. Yan ang katwiran ng ilan.
Sana naman ay unti-unti nating maunawaan na walang ibubungang maganda ang pagpapaputok tuwing sasalubungin natin ang Bagong Taon. Kaya nga ang ibang lokal na pamahalaan ay naglalaan na lamang ng pondo para magsagawa ng ‘fireworks display’ kung saan maaaring panoorin ng marami at hindi na magpaputok ang iba sa atin.
Ngayon ngang pandemiya naidaos ng ibang pamahalaang lokal ang ganitong ganap, kahit na ang mga manonood ay pinagbawalang lumapit at obserbahan ang ‘social distancing’ para pa rin maka-iwas sa COVID-19.
Sana sa Bagong Taon na ito, imposible mang mawala agad ang virus, maiwaksi na rin natin sa ating mga isipan na ang paggamit ng paputok para salubungin ang Bagong Taon ay di naman talaga kailangan.
Sakto na ang makasama ang mga kapamilya at mga kaibigan sa pagsalubong ng Bagong Taon kaysa naman sa ospital pa kayo magsama-sama ng dahil sa paputok.