Advertisers
TAMANG magkanya-kanya nalang sa pagbili ng Covid vaccines ang mayayamang Local Government Units (LGUs) bago pa maubos ng kandamatay ang kanilang residente sa corona virus disease sa kahihintay sa pangakong bakuna ng gobyernong Duterte.
Ang Makati City, isa sa richest cities sa buong bansa partikukar sa Metro Manila, ay nag-anunsyo nang maglalaan sila ng P1 billion para pambili ng bakuna at magsagawa ng mass vaccination sa kanilang mamamayan.
Sabi ni Mayor Abby Binay, anak ni dating Vice President Jojo at sister ni Senadora Nancy, nakikipag-coordinate na sila kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. at sa IATF (Inter-Agency Task Force) para ma-finalize ang mga detalye sa pag-angkat at pagsagawa ng mass vaccination. Hinihintay nalang aniya ang green signal ng IATF para makapaglabas na sila ng pondo para sa bakuna kontra Covid.
Bakit hindi nalang gayahin ni Mayor Binay ang rason ng mga Gabinete ni Pangulong Rody Duterte at maging ng mga ibinoto ninyong senador na sina “Bato” at Tito Sotto na hindi na kailangan ng aprubal ninuman kahit ng registration ng Food and Drug Authority (FDA) sa pagbabakuna ng vaccines para sa kaligtasan?
Anyway, tumpak ang ideyang ito ng LGU ng Makati City. Tutal may available fund sila para makabili ng napakahalagang bakuna para mailigtas ang kanilang mamamayan sa mapamuksang virus, makabubuti na mag-angkat na sila ora mismo! Huwag nang umasa pa sa pangakong bakuna ni Duterte dahil mangungutang pa raw ang gobyerno ng $300 million dollars sa World Bank para pambili ng vaccine. Bibilang pa ito ng buwan. Marami pang Pinoy ang madedebol bago maisakatuparan ang pabakunang Duterte. Mismo!
Asahang susunod narin sa Makati City ang Manila ni Mayor Isko Moreno, Pasig ni Mayor Vico Sotto, Taguig ni Mayor Lino Cayetano at Quezon City ni Mayor Joy Belmonte dahil malalaki ang income ng mga lungsod na ito. Just do it, LGUs!!!
***
Ang Ayala Corporation ni Fernando Zobel de Ayala ay nagpasiklab ding bibili sila ng 450,000 doses ng AstraZeneca vaccines na nagkakahalaga ng P120 million. Kalahati raw dito ay ibibigay nila sa gobyerno.
Ang AstraZeneca ay gawang India, ang second most populous country sa mundo.
Si Atong Ang, kilalang tsampyon sa pag-organisa ng mga sugal at negosyante, ay bibili rin daw ng worth P100 million Covid vaccines. Ayos! Si “jueteng king” Bong Pineda kaya?
Ang mga bilyonaryong Villar, Ramon Ang, mga anak ni yu-maong Henry Sy, Lucio Tan, Gokongwei at bespren ni Duterte na si Dennis Uy na pinakamayaman sa Davao sana makapag-isip ding mag-ambagan para makapag-purchase ng milyones na doses ng Covid vaccines para maturukan na ang mahihirap nating kababayan. Wish ko lang!
***
Ang ingay ngayon sa social media ng “Ramon Ang for President 2022 Group”.
“RSA tayo hanggang 2028”, post ng isang netizen IC Mercado.
Karamihan sa mga nagpu-push kay Ramon Ang, ang tserman ng San Miguel Corporation, Petron at malaking construction company na nakakuha ng mga bilyones na kontrata sa gobyerno, ay mga Fil-Chinese. Araguy!!!
Well, magandang choice itong si Ramon Ang kung ayaw n’yo kay Vice President Leny Robredo.
Yes! Isang matagumpay na negosyante at pilantropo si Ramon Ang. Tiyak panalo siya sa mga negosyante. Pero sigurado talo siya sa puso ng nakararaming masa.
Ang katulad ni Manny Pacquiao ang malapit sa masa. Pero pag tumakbo rin si Sara Duterte-Carpio, tiyak olat sila kay Robredo, pramis!