Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
DINIPENSAHAN ni singer at businesswoman Claire dela Fuente ang anak na bading na sangkot at isa sa inaakusahang suspect sa pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant na si Christine Angela Dacera.
Ayon kay Claire, alam nila ang totoo. Inamin din nito na hindi man aminin ng anak na si Gregorio Angelo Rafael de Guzman, alam nito na bading ang anak kahit bata pa ito.
Ikinuwento naman ni Gregorio na sinubukan niyang i-revive si Dacera at isinagawa ang cardiopulmonary resuscitation o CPR nang makitang walang malay sa bathtub sa City Garden Hotel sa Makati City.
Dagdag nito, hindi nila iniwan si Dacera at inalagaan nila ito. Nagsampa ng rape with homicide ang mga pulis sa labing-isang kasama ni Dacera noong gabi na tatlo rito ay nasa kustodiya na ng kapulisan.
***
MATAPOS maglabas ng saloobin ng anak nina Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan at actress Sharon Cuneta na si Frankie Pangilinan ukol sa pagkamatay ni Christine Dacera, muli na naman itong nakatanggap ng rape threat.
Sa kanyang mga tweet, humihingi ito ng hustisya sa pagkamatay ni Dacera at una nitong sinabi na hindi sa suot ng babae o alak ang may kasalanan ng rape, kundi ang mga rapist.
Ayon pa rito, hindi dapat #ProtectDrunkGirls ang ipalaganap kundi dapat daw turuan ng mga magulang ang kanilang anak na huwag mang-rape. Sinabi rin ni Frankie na mas kailangan ng babae ang respeto kaysa proteksiyon.
Matapos ang ilang tweet, may nagkomento naman na ang sexy umano ni Frankie at sana ma-rape ito. Matatandaang noong Hunyo 2020 ay nagkaroon din ng rape threat si Frankie nang ipa-trending nito ang #HijaAko na ipinaglaban nito na tigilan ang victim blaming culture sa bansa.
Aminado si Frankie na nagkakaroon siya ng rape threat tuwing naglalabas ng saloobin tungkol sa rape.