Advertisers
NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Anti-Human Trafficking Division ang tatlong menor de edad na biktima ng online sexual exploitation.
Ayon kay Atty. Ferdinand Lavin, tagapagsalita ng NBI, nasagip ang tatlong biktima sa Dasmarinas, Cavite.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng isang kasong ipinabatid ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Philippine Internet Crimes Against Children Center at pinatrabaho sa NBI.
Nadiskubre na isang Filipina ang nakikipag-ugnayan sa isang US based na lalaki na nagbibigay ng pera kapalit ng mga Online Sexual Exploitation of Children o OSEC materials.
Nagtagal ito mula 2018 hanggang 2019, at ipinapadala ang mga materyal sa pamamagitan ng Facebook app.
Sa nakarating na ulat sa NBI, agad isinagawa ang surveillance at napag-alaman na ang isa sa mga biktima ay anak pa mismo ng suspek na Pinay.
Habang ang dalawa pang biktima ay natunton ng NBI sa tulong ng mga opisyal ng kanilang paaralan na pinapasukan.
Nasa kustodiya ngayon ng Social Welfare sa Rizal ang mga biktima. (Jocelyn Domenden/Andi Garcia)