Advertisers

Advertisers

Open dumpsite sa Cavite ipinasara ng DENR

0 357

Advertisers

MATAPOS lumabag sa Republic Act 9003 na mas kilala sa tawag na Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang anim na ektaryang open dumpsite sa Cavite noong Huwebes (Enero 14).
Ayon sa ulat bukod sa DENR,kasama rin sa operasyon ang National Bureau of Investigation at ang Environmental Management Bureau na nagsara sa entry points ng privately-owned open dumpsite na matatagpuan sa Barangay Sahud-Ulan.
Sinabi ng DENR ang RA 9003 partikular na ang Section 37 ay mahigpit na nagbabawal ng pagkakaroon at pag mantine ng open dumpsite na malaki ang nagiging epekto sa kalikasan at kalusugan ng publiko.
Ayon kay DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny D. Antiporda na nanguna sa operasyon na hindi mangingimi ang gobyerno na hulihin ang mga nagpapatakbo ng illegal waste disposal sites sa bansa.
Base sa ulat ng DENR Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Cavite, ang naturang dumpsite ay mayroong tatlong metrong taas o 180,000 cubic meter na halo-halong solid waste materials at walang kaukulang permiso mula sa DENR.
Ayon pa sa DENR Kabilang sa mga tambak ng basura na nakita sa operasyon ay nagmula sa industrial parks, malls, supermarkets, food chains, restaurants at food product manufacturers.
Kinumpiska rin ang dalawang dump trucks at isang backhoe na naabutan sa lugar na itinurn-over sa DENR-PENRO Cavite.
Habang hinihintay ang isinasagawang imbestigasyon ay sinabi ni Antiporda na iimbitahan ng DENR ang local government officials ng Tanza upang ipaliwanag ang pagkakaroon ng open dumpsite sa kanilang lugar.
Ipapaalam sa mga ito ang mga posibleng kahihinatnan sakaling mapatunayan na may kinalaman sila sa operasyon.
Inatasan din ng DENR official ang local environment office ng Tanza na maghanda ng rehabilitation plan sa nabanggit na lugar.
Sinabi pa ni Antiporda na siya ring Alternate Chair ng National Solid Waste Management Commission na ang isinagawang operasyon ay bahagi ng selebrasyon ng Zero Waste Month at ika-20 taong anibersaryo sa pagpapatupad ng RA 9003.
Idinagdag pa nito na nagbigay na ang gobyerno sa LGUs ng sapat na panahon upang magkaroon ng sarili nilang sanitary landfills.
Kasama rin sa operasyon sina DENR Environmental Protection and Enforcement Task Force Director Nilo Tamoria, NBI Environmental Crime Division Chief Eric Nuqui at EcoWaste Coalition Zero Waste campaigner Eloisa Tolentino.(Boy Celario)