Advertisers
NAGPAKITANG gilas agad si James Harden sa unang pagsalang bilang Net. Aba’y triple-double ang ginawa ni The Beard kontra Magic. Umiskor ng 32 na puntos at nagtala pa ng 14 na assist at 11 na rebound. Wala pang praktis sa Brooklyn yan ha.
Nag-contribute rin nang husto si Kevin Durant na may 42 na pts. Kaya marami na ngayon ang nag-aabang ng mga matching koponan. Masarap kasi panoorin. Pati highlights babalik-balikan mo.
Ang tanong ngayon ay maging maayos kaya ang chemistry ng tatlong superstar sa pagbabalik ni Kyrie Irving sa line-up.
***
Dami na-postpone na game ng NBA ngayong season dahil sa health and safety protocol. 14 na laban lahat dahil kailangan mag-quarantine, mag-contact tracing at magpa-swab test ang mga player bago payagan mag-uniporme. Kaso kung minsan bumababang kulang sa minimum na walang cager kada team ang pwede.
Una nakansela ang Oklahoma kontra Houston noong ika-23 ng Disyembre dahil sa ganitong sitwasyon.
Pinakahuling napaliban ang larong Philadelphia-Oklahoma at Cleveland-Washington. Mas maigi na nga naman ang mas maingat at baka may masilat.
Si Karl Anthony-Towns ng Minnesota ay umamin na infected siya ng COVID-19. Pitong buwan lamang ang nakaraan ng sumakabilang buhay ang ina niya dahil sa kumplikasyon sa China veerus.
May ilan pang basketbolista ang apektado ngunit hindi na inihayag pa ang listahan.
***
May nagmungkahi na magkaroon ng old Barangay Ginebra reunion sa ating vlogcast na Boomers’ Banquet kasama sina Bob Novales ar George Boone.
Tiyak sandamakmak matutuwa na makita at madinig mga ex-Gin Kings tulad nina Chito Loyzaga, Pido Jarencio, Vince Hizon, EJ Fheil, Bennett Palad, Bal David, Marlou Aquino, Dudot Jaworski, Benny Cheng at marami pang iba.
Malay ninyo mapapayag natin pati si Robert “Big J” Jaworski.
Naku kikiligin ang mga tagahanga gaya ni Aling Barang ng never-say-die team na nagsimula bilang Gilbey’s Gin sa PBA.
Sa ika-30 ng Enero natin ito itinakda. Abangan!
***
Napiling Best Player of the Conference si Stanley Pringle ng Ginebra, Most Improved si Prince Caperal at Rookie of the Year si Aaron Black. Katanggap-tanggap ang dalawang nahuling nabanggit pero may mga nagkukuwestiyon sa una. Mas deserving daw si Ray Parks Jr. Pwede raw Finals MVP ngunit si LA Tenorio na yun eh.