Advertisers
TIMBOG ang isang nagpakilalang dating sundalo sa isang checkpoint sa Marcos Highway, Barangay Dela Paz, Antipolo City nitong Huwebes ng madaling-araw nang masabat ang ilang matataas na kalibre ng baril, mga bala, patalim at pekeng plaka.
Kinilala ang naaresto na si Achilles Francisco Gerona, 37-anyos.
Sa report, bandang 1:00 ng madaling araw ay pinatigil ng mga pulis ang puting kotse na minamaneho ni Gerona.
Ayon kay Police Lt. Col. Jose Joey Arandia, hepe ng Antipolo City Police, nakita nila sa sasakyan ang isang kalibre .45 na baril, at sa trunk ng sasakyan ang mga bag na naglalaman ng sniper rifle, M16 rifle at halos 20 magasin ng rifle na may mahigit 500 bala. May nakita ring 2 bolo at isang ice pick.
May ipinakitang lisensiya at permit si Gerona para magbitbit ng caliber .45 pero depensa niya, hindi kaniya ang mga nakuhang rifle.
Kasamang inaresto ang mga pasahero ng sasakyan na isang 37-anyos na babae na nagpakilalang kinakasama ni Gerona at 20-anyos na anak nito.
Ayon kay Arandia, may nakuha silang impormasyon na may papasok sa Antipolo na hitman kaya sila nagpatayo ng checkpoint sa lugar.
Dagdag ng pulis, posibleng gagamitin o ginagamit sa krimen ang sasakyan dahil sa mga narekober na license plate. Hindi rin lehitimo ang plakang nakakabit sa kotse.
Kinukumpirma ng pulis ang kuwento ni Gerona na dati siyang sundalo pati kung kasama siya sa grupo.
Nahaharap ang 3 sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition at illegal use of number plates.
Isasailalim pa sa ballistics test ang mga baril para malaman kung nagamit ito sa ibang krimen.