Advertisers
MAGKATUWANG ang mga truck haulers at concerned citizen sa Batangas na nanawagan sa Tanggapan ng Region 4-A National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang hinihinalang malaking katiwalian at korapsyon kaugnay sa di maipaliwanag na paniningil ng “pass way permit”, malaganap na mining at quarry operation at iligal na pasugal sa munisipalidad ng Taysan ng naturang lalawigan.
Ang “pass way permit” ay kinokolekta ng nagpapakilalang tauhan ng tanggapan ni Taysan Mayor Grande P. Gutierez para pahintulutan ang mga tsuper ng dump truck at cargo truck na dumaan sa mga kalsada ng Poblacion, Santo Niño, San Marcelino at Pinagbayanan pawang sa bayan ng Taysan patungo sa mga quarry site sa nabanggit ding munisipalidad.
Bawat barangay ay ikinokolekta ng nasabing kolektor ng halagang Php 150, kaya lumilitaw na sa kabuuan ay umaabot sa halagang Php 600 ang koleksyon.
Walang iniisyung government official receipt ang nasabing kolektor at kung magbigay man ay resibo na tulad sa pagbili ng daing na may nakasulat na “pass way” na hindi naman nilalagdaan ng nangongolekta.
Katwiran ng nasabing kolektor ang mga naiilak na salapi mula sa “pass way permit” ay para sa pagpapagawa ng kalsada ng barangay na dinadaanan ng mga higanteng behikulo na nagkakarga ng mga lupang hinukay sa mga minahan at panambak mula sa ibat-ibang quarry site sa naturang munisipalidad.
Batay sa pagsisiwalat sa SIKRETA ng ilang residente ng Taysan hindi kukulangin sa 1,000 biyahe ang nagagawa ng mga dump at cargo trucks araw-araw.
Kada biyahe ng mga nasabing behikulo ay obligadong nagbabayad ang mga tsuper ng Php 600 bilang “pass way permit” sa dinadaanang apat na barangay kaya kung susumahin ay umaabot ito sa Php 18 milyon kada buwan.
Bagamat malaki ang kinikita sa pagko-quarry ay apektado naman nito ang kalikasan, dahil sa pagkawasak ng mga kabundukan, kalupaan at kagubatan na nagiging sanhi ng erosion ng lupa, at pagbaha, kaya noon pa man ay matindi na ang pagtutol sa operasyon nito ng mga mamamayan.
Kaninong herodes naman kaya napupunta ang naturang halaga, gayong wala naman palang kaukulang resibo na iniisyu ang kolektor nito na nagtayo pa ng outpost malapit sa Taysan Municipal hall para salain ang mga dumadaang dump at cargo truck?
May 11 quarry site sa nasabing bayan na kontrobersyal na naisyuhan ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng mga Batangueño sa operasyon nito.
Matindi ang pagtutol ng mga relihiyosong sektor at mamamayan sa Batangas sa operasyon ng minahan at quarry sa lalawigan ng Batangas kayat naglunsad ng mainit na protesta laban dito sa panahon ng panunungkulan ng namayapang DENR Sec. Gina Lopez, katuwang ang mga kaparian.
Gayunman, kaduda-duda pa rin na naisyuhan ng DENR Provincial at Regional Offices ng permit to operate ang may 11 quarry operators para maituloy ang quarrying at pagmimina sa maraming barangay sa Taysan, kabilang dito ang San Marcelino, Sto Niño, Pinagbayanan, Mapulo, Bacao, Panghayaan at iba pa.
Liban sa 11 quarry operator na naisyuhan na ng ECC ng DENR ay sangkaterba pa rin ang nag-ooperate ng mga illegal quarry sa Taysan na lalo pang dumami sa panahon ng panunungkulan ng first termer Mayor Gutierez.
May kinalaman kaya sina DENR Sec. Roy Cimatu at Usec. Benny Antiporda sa pagkapag-isyu ng permit pabor sa mga nabanggit na quarry operator?
Kailangang linisin na ni DENR Secretary Roy Cimatu at Usec. Antiporda ang kanilang hanay sa Regioin 4-A at sa probinsya ng Batangas pagkat hinihinalang ilan sa mga opisyales at tauhan ng mga ito ay umaaktong liason officer ng mga lisensyadong quarry operator at protektor pa ng mga illegal quarry maintainers.
Tinangka nating linawin ito kina Batangas Gov. Hermilando Mandanas, Taysan Mayor Grande P. Gutierez, Vice Mayor Marianito G. Perez, Taysan Municipal councillors at maging ang mga barangay officials, ngunit isa man ay walang magbigay linaw sa inyong lingkod.
Dismayado din ang mga residente ng Taysan pagkat talamak ang operasyon ng Small Town Lottery cum jueteng sa 20 barangay ng nabanggit na bayan gayong mahigpit kuno ang kampanya laban dito nina PNP Region 4-A director, PBG Felipe Natividad at Batangas PNP Provincial director, Col. Arvin Rex Malimban.
Maging ang hepe ng pulisya ng Taysan ay wala ring aksyon laban sa jueteng, quarrying at mga katiwalian sa nasabing bayan. Kinilala ang dalawang gambling operators na nag-ooperate sa Taysan na sina alias Zalding Konte at alias Bedung.
Si Zaldy na nagpapakilala pang bagman ni Mayor Gutierez ay nagpaparebisa ng kanyang kubransa sa jueteng sa Poblacion Taysan, si alias Bedung namn ay sa kanyang farm sa Brgy. San Marcelino nagrerebisa ng kanilang pataya sa naturang iligal na pasugal sa halip na iremit ito sa lehitimong outlet ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Abangan…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.