Advertisers

Advertisers

Resulta ng COVID-19 swab test ‘dinuduktor’ ng duktor sa Valenzuela

0 265

Advertisers

ISANG duktor at ang kaniyang clinic sa Valenzuela City ang inirereklamo ng pamemeke sa resulta ng COVID-19 test.
Ang nagrereklamo ay isa ring duktor na namamahala sa isang clinic sa Bulacan.
Kinilala ang duktor na inirereklamo na si Jovith Royales, manager at chief executive officer ng Best Care and Diagnostic Clinic sa Valenzuela City.
Ang nagrereklamo ay si Dra. Alma Radovan-Onia, medical director ng Joni Villanueva Molecular and Diagnostic Laboratory sa Bocaue, Bulacan.
Ayon sa reklamo ni Onia, patuloy na ginagamit ni Royales para sa kaniyang Best Care Clinic ang pangalan ng JVMDL sa mga swab test kahit tumigil na ang huli sa pagpapadala sa kanila ng swab sample noong Oktubre.
Dati ay may kasunduan ang dalawang laboratoryo na ipadadala ng Best Care sa JVMDL ang mga makukuha nilang swab sample upang masuri.
Ginawang ebidensiya sa mga reklamong isinampa ni Onia ang mga nakuhang COVID-19 test result mula sa Best Care.
Pinapalabas din umano ng Best Care na reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) testing ang paraan ng pagsusuri sa mga swab sample kahit hindi naman.
Hindi awtorisado ng Department of Health ang Best Care na magsagawa ng COVID-19 test.
Ayon sa tagapagsalita ng JVMDL, mayroong medical technician sa Best Care ang mismong nagsiwalat sa iregularidad na ginagawa sa kanilang klinika.
Kinukuha ang panig ng Best Care, subali’t walang naging tugon ang mga ito.
Sinulatan naman ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang Best Care na magpaliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi sila dapat ipasara o suspindihin sa harap ng mga alegasyon ng iregularidad.