Advertisers
MULING nagsanib-puwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), lokal na pamahalaan ng lungsod ng San Juan, at isang water company sa paglilinis at rehabilitasyon ng San Juan River.
Ang paglulunsad ng proyekto na ginanap sa Brgy. Addition Hills sa San Juan nitong Enero 27,2021 ay bahagi ng “Adopt-An-Estero” program ng DENR at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa ahensya, San Juan LGU, Manila Water Co., at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Kabilang sa mga dumalo sina City Mayor Francis Zamora, DENR Sec. Roy Cimatu, Manila Water CEO at President Rene Almendras, at iba pa.
Kung hindi ako nagkakamali, noong September 2020 ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Manila water, DENR, at ilang lokal na pamahalaan, kasama ang mga lungsod ng Quezon, Mandaluyong, at San Juan para sa ganap na implementasyon ng paglilinis at rehabilitasyon ng San Juan River at iba pang lugar na konektado rito.
Ang Ilog ng San Juan ay isa sa pangunahing main river systems sa Kalakhang Maynila, at isa sa malalaking ilog na konektado sa Pasig River.
Nabatid na ang dulo ng ilog ay malapit sa La Mesa Dam o San Francisco del Monte River habang karugtong din nito ang Mariblo Creek sa QC.
Ang programa ay bahagi rin ng inisyung “mandamus” ng Korte Suprema na nag-aatas sa DENR at iba pang ahensya ng gobyerno na linisin ang mga estero at waterways na dumadaloy patungo sa Manila Bay.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2019 ang paglilinis ng Manila Bay kasabay ng pagbibigay ng babala sa mga establisimyento sa paligid ng baybayin na sumunod sa mga batas pangkalikasan upang hindi maisara ang kanilang negosyo.
Kaya naman, bilang tugon ay inilunsad ng DENR ang “Battle for Manila Bay” na mayroong tatlong bahagi na ang layunin ay unti-unting malinis ang tubig dito.
Pansamantalang binuksan ng DENR ang artificial white sand beach sa Look ng Maynila noong September 2020.
Samantala, sinasabing magkatuwang na gagawin ng Manila Water, LGU, at DENR ang paglilinis at pagtatanggal ng basura sa ilog.
Layunin nito maibsan ang polusyon at maipatupad ang solid waste management na bahagi rin ng kasunduan, kabilang ang water quality monitoring na pangungunahan ng Manila Water, koordinasyon sa lokal na pamahalaan at ang pagsasagawa ng environment education activities sa San Juan River.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Zamora sa pamunuan ng Manila Water bunsod ng naging ambag nito sa nabanggit na proyekto.
God bless at stay safe po, mga bossing.
Mabuhay po kayong lahat!
***
PARA sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Instagram, at FB pages. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at God bless!