Advertisers

Advertisers

‘Agriculture Sec. Dar mag-resign ka na…’

0 276

Advertisers

ITO ang tahasang sinabi ni dating AGAP partylist Representative ngayo’y Vice President ng Pork Producers Federation of the Philippines  (PPFP) Nicanor “Nikki” Briones laban kay Agriculture Secretary William Dar kaugnay ng patuloy na pagtaas ng karneng baboy sa merkado.

Sa lingguhang Zoom forum ng National Press Club (NPC) nitong Biyernes ng umaga, pinalalabas ni Briones na inutil itong si Dar sa kinakaharap ngayong problema ng mga magbababoy sa bansa.

Ang halaga ngayon ng baboy sa palengke ay higit P400 ang kilo, mas mataas pa sa daily rate ng construction workers.



Tapos nagbanta si Dar na papanagutin ang mga trader na nag-o-overprice. Kakasuhan at pagmumultahin daw ng P100,000 ang  mga ito.

Inanunsyo rin ng Palasyo na maglalabas ng Executive Order para sa price cap ng karneng baboy. Araguy!!!

Ayon kay Briones, ang mga ganitong hakbang ay maling-mali. Kapag ito, aniya, ay ipinatupad ng gobyerno, wala nang mag-aalaga pa ng mga baboy.

Nagsimula ang problemang ito ng mga magbababoy nang pumutok ang swine flu sa bansa, na hindi raw kaagad inaksiyunan ng Department ng Agriculture (DA).

Noon pang 2019, ayon kay Briones, nang kumalat ang swine flu sa bansa ay nakipagpulong na sila sa DA. Pero dinedma lang sila, never gumawa ng solusyon ang ahensiya sa pinangangambahang paglala ng problema, na nangyayari na ngayon.



Tapos kapag natuklasan ng DA na may swine flu sa isang lugar at sa karatig babuyan na may pagitang layong 500 meters, kukumpiskahin nito ang mga baboy para patayin at ilibing pero hanggang 20 ulo lamang ang babayaran. Luging lugi!

Dahil sa malaking pagkalugi ng mga magbababoy, wala nang puhunan para mag-alaga pa, dahilan para kapusin ang suplay ng karne sa merkado at sanhi ng pagtaas ng presyo ng baboy.

Sa kabila ng problemang ito ng magbababoy, walang tulong o ayuda na ibinibay ang gobyerno partikular ang tanggapan ni Sec. Dar. Bagkus ay binabantaan pang kasuhan ang mga magbababoy.

“Mag-resign nalang siya,” sabi ni Briones.

***

Nilinaw ni Lt. General Jun Parlade, ang spokesman ng AFP sa kampanya laban sa terorismo partikular NPA, na libong barangay na sa mga liblib na bayan sa bansa ang nakatanggap ng tig-P20 million para sa development ng lugar at programa para sa mahihirap na mamamayan upang hindi na ma-recruit ang mga ito ng komunistang mga rebelde (NPA).

Ang LGU aniya ang nagpapatupad sa programang ito under the supervision ng concerned agency ng gobyerno.

Dahil sa programang ito, ayon kay Parlade, ay marami nang rebelde ang nagsisisuko.

Tungkol naman sa palpak na listahan ng AFP sa mga estud-yante ng UP na sumapi raw sa NPA at napatay at nahuli sa engkuentro, humihingi rito ng pasensiya ang Department of National Defense (DND).

Sinibak narin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang dalawang mataas na intel officials, Major General Alex Luna at Maj. Gen. Benedict Arevalo, sa aniya’y nakakahiyang kapalpakan.

Ayon naman kay Atty. Alex Padilla, dating Presidente ng Philhealth, dating Customs Commissioner at dating peacetalk negotiator ng gobyerno sa CPP-NDF, na isa sa mga napasama sa naturang listahan, pinag-uusapan nila na magsampa  ng Cyberlibel at human rights violations laban sa AFP.

Sabi ni Padilla, naging aktibista siya panahon ni Marcos pero hindi siya kailanman naging NPA at hindi rin nahuli o napatay ng militar sa bakbakan.

Nasilip tuloy kung saan napunta ang napakalaking intel fund ng AFP dahil palpak na paniniktik!