Advertisers
Nagtapos na ang kontrata ng GMA at NCAA pagkatapos ng limang taon.
Ayon sa ating ibong pipit ay hindi kumita ang TV network sa loob ng panahon na sila ang nagko-cover ng oldest collegiate league.
Kasi kung maraming advertiser ang NC sa GTV at Heart of Asia ay tiyak hindi ito bibitiwan ng Kapuso station.
Kaso nga kapag playoffs at finals lang pumapasok ang mga commercial.
Sinubukan din ng GMA na bigyan ng kakaibang promosyon para umangat ito sa ratings game. Ito ay sa pamamagitan ng mga artista nila at mga programa.
Pero mga baguhan lang ang isinasalang nila sa cross-promotions efforts. Oo , mìnsan napanood natin ang mga atleta bilang mga panauhin sa kanilang mga palabas tulad ng Family Feud ni Dingdong Dantes. Siguro dapat sa mas marami pa nilang palatuntunan sa Siyete.
Isa pang problema ay hindi kilala ang GTV sa sports programming. Wala silang iba pang parehong kategorya. Hindi tuloy sanay ang mga tagasubaybay nila.
Ika naman ni Tata Selo ay medyo hindi pang masa ang dating ng approach ng coverage.
Narinig natin sa susunod na season ay mapupunta na ito sa TV5 na grupo ni MVP na mas bihasa sa ganitong uri ng trabaho.
***
Hindi naman masama kumiling sa isang politiko at mag-post sa social media hinggil dito kahit sino ka man.
Ang hindi tama ay magbahagi ka ng fake news o magbigay ng opinyon base sa maling balita.
Yung isang ex-PBA cager ganyan ang gawain. Marami sa post niya ay pekeng balita. Pati mga kuro-kuro niya ay galing sa mga ulat ng mga paid troll at spin doctor.
Walang problema kung gusto mo ‘yung dating pangulo at ang anak nito. Dapat lang pag-aralan mong maigi ang mga isyu. Manood ka sa mga news program na may kredibilidad. Magtanong-tanong ka rin sa ibang kapwa player o coach mo.
Mukhang sa mga suwelduhang blogger lang ni Inday ang sinusubaybayan mo eh.
Halimbawa ay pati isang mahalagang event kamakailan pinipilit ninyong hindi naganap.
Tapos dahil hindi mo maintindihan ang mga bagay-bagay ay inaakusahan mo ang mga kakam-pink na panig na sa administrasyon
Sayang ka. Kung ano taas mo ay siya naman liit ng pang-unawa mo. Utak mo tila napunta sa talampakan.
Ang tinutukoy nating basketbolista ay may ka-patid ding sabay niyang sumikat.
***
Umeksena muli ang ama ng isang player na high school pa lang noon ang anak ay ma-epal na ito.
Medyo magaling naman ang anak nguni’t maliit eh kaya nahirapan na sa kolehiyo at pro league.
Ngayong bahagi na ng management ng isang prangkisa ang tatay ay ipinipilt pa rin kanyang cager-son. Matanda na rin at nalipasan ng panahon pero isinisingit pa rin. Sayang ang slot na napunta sana sa mas deserving.
Ano tingin nila sa sarili nila? Aba, hindi naman Jawo pangalan nila ah.